balita-editorial-jan12015

Nagsisimula na ang bagong taon para sa daigdig ngayon, na may malalang mga problema na hindi pa rin nareresolba mula pa noong nakaraang taon.

Patuloy ang digmaan sa Gitnang Silangan, partikular na sa Iraq at Syria kung saan nagsisikap ang Amerika na pakilusin ang isang puwersa upang ihinto ang brutal na pagmamalabis ng Islamic State. Patuloy din ang iba pang uri ng kamatayan na sumasaklaw sa Western Africa kung saan hindi pa nasusugpo ang Ebola virus at nalalagay sa panganib ang buong mundo.

Ang pagbagsak ng presyo ng langis ay nagdulot ng krisis sa pananalapi ng Russia at iba pang estado na nakasandal sa kanilang oil exports. Ang malapit sa atin sa bahaging ito ng daigdig ay ang pagpupumilit ng China sa pag-angkin ng halob suong South China Sea, na sumasalungat sa pag-aangkin ng Vietnam, Malaysia, Brunei, at ng Pilipinas.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Ang ang lokal na mga isyu at suliranin ang sasaklaw ng ating atensiyon sa taon na ito. Marahil ang pinakamahalaga sa mga isyung ito ay:

- Ang progreso ng ekonomiya ng bansa. Magsisimula bang magkaroon ng impact ang lumaking Gross Domestic Product (GDP) sa buhay ng maralita sa anyo ng pagkakaroon ng mas maraming trabaho at mas mainam na pamumuhay, sa tinatawag ng mga ekonomista na ‘more inclusive progress’?

- Kapayapaan sa mga lalawigan. Gumawa na ng isang malaking hakbang sa pagkakaroon ng kasunduan sa Bangsamoro entity sa Mindanao. Masusundan ba ito ng peace talks sa iba pang pangunahing insurhensiya sa bansa, ang Communist New People’s Army?

- Ang kampanya laban sa katiwalian. Itinatag ni Pangulong Aquino ang kanyang administrasyon sa isang kampanyang laban sa katiwalian. May ilang matataas na opisyal ng oposisyon na ang nakakulong. Magkakaroon ba ng mas maraming prosekusyon o mananaili na lamang ang selective justice na inireklamo ng oposisyon at ng civil society?

- Ang kampanya para sa eleksiyon. Gayong hindi pa opisyal ngunit epektibona, ang buong 20158 ay magiging taon ng pangangampanya, partikular na para sa pagkapangulo ng bansa. Maraming desisyon ang gagawin ngayong taon na may pananaw para sa pambansang halalan sa Mayo 2016.

- Ang legacy ng Pangulo. Ito ang huling buong taon ng anim-na-taon na termino ng Pangulo. Ang kanyang pinal na mga desisyon at hakbang ngayong taon ay may pangmatagalang epekto sa bansa at sa kanyang iiwang pamana.

Sisimulan na natin ang isang bagong taon sa buhay ng ating bansa at ng ating daigdig. Marami pang hindi nareresolbang problema, ngunit sa harap ng opinion surveys kamakailan, haharapin ng ating bansa ang isang bagong taon na may dakilang pag-asa at kumpiyansa at katiyakan na ang 2015 ay magiging mabuting taon para sa ating bansa.