Pumanaw na ang pinaka-ama ng Singapore na si Lee Kuan Yew. Pero, katawan lang niya ang naglaho. Sa mga bansa at mamamayan tulad natin na hanggang ngayon ay nakalugmok sa kahirapan, ang kanyang alaala ay mananatili. Sila ay patuloy na mumultuhin ng kanyang halimbawa sa pamamahala. Bakit nga ba hindi eh ang Singapore na isang natutulog na siyudad ay nagawa niyang pinakamayamang bansa sa Asya. Hindi gaya ng ating bansa, ang Singapore ay isa lang pantalan salat sa lahat ng uri ng likas-yaman. Ang kanyang pamamaraan ng pagpapatakbo ng gobyerno ay dapat kapulutan ng aral.
Sa aking buhay, wika niya, ang nagpapaligaya sa akin ay iyong matagal na panahong pagkuha ng suporta at magkaroon ng lakas para gawin ang lugar na ito na kaayaaya, libre sa katiwalian at parehas sa lahat ng tao at ito ay mananatili kahit wala na ako na siyang nangyayari na. Hindi ko pinagsisihan, sabi pa niya, na hindi sana kami naging maunlad kung hindi namin pinakialaman kahit ang personal na bagay tulad ng kung sino ang iyong kapitbahay, ang ingay na iyong ginagawa, kung paano ka dudura o kung anong linguahe ang gagamitin mo. Nagpapasiya kami kung ano ang tama, at wala kaming pakialam kung ano ang iniisip ng iba. Hindi ko sinasabi na bawat ginawa namin ay tama, pero ginawa naim ito para sa mabuting layunin, dagdag pa niya. Para mabuo ang kanyang kapangyarihan, ipinakulong niya ang kanyang kalaban sa pulitika ng walang paglilitis. Inihabla niya ng defamation ang mga mamamahayag at mga kalaban niyang mga pulitiko na naghasik ng takot sa sinumang kumukontra sa kanya.
Nagawa ni Lee ang mga ito dahil hindi siya tiwaling lider. Ginamit niya ang gobyerno hindi para sa kanyang kapakanan kundi para sa ikabubuti ng mamamayan at ikauunlad ng bayan. Siya mismo ang halimbawa ng kanyang ipinaguutos. Ang naging patakaran niya ay nakaugat sa kultura ng Asyano.
Ang padre de pamilya na ama ang nagpapasiya ang estilong ginamit niya sa pamamahala. Higit sa lahat, walang dayuhang nakialam sa kanya, o kung mayroon man ay hindi niya ito pinayagan, na pinapanaig ang kanilang sariling batas at kultura.