Mga laro ngayon: (JCSGO Gym)

11 a.m. Tanduay Light vs. AMA University

1 p.m. Liver Marin vs. Hapee

Target ng Tanduay Light at AMA University na makisalo sa ikalawang puwesto habang nakatutok naman na makapagtala ng panalo ang baguhang Liver Marin at ang reigning Aspirants Cup titlist Hapee sa pagpapatuloy ngayon ng 2015 PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Quezon City.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Nasa 5-way tie sa ikatlong posisyon ang Rum Makers at ang Titans na nakatakdang magtunggali sa ganap na alas-11:00 ng umaga kung saan ay kasalo nila sa standings ang Café France, Cagayan Valley at Jumbo Plastic Linoleum na pawing nagtataglay ng barahang 1-1 (panalo-talo).

Sa tampok na laro, kapwa wala pang panalo ang Liver Marin at ang Fresh Fighters na magkakaharap sa ganap na ala-1:00 ng hapon.

Nabigo sa kanilang unang dalawang laban ang Liver Marin-San Sebastian, ang una ay sa Ama University at sumunod sa Keramix Mixers habang sinorpresa naman ng Jumbo Plastic ang Hapee noong nakaraang Lunes sa una nilang laro, 61-64.

Kapwa target na makabangon sa pagkatalong nalasap sa kanilang ikalawang laban ang Tanduay Light at AMA University upang makasalo ang Keramix (2-1) sa ikalawang puwesto kasunod ng namumunong Cebuana Lhuillier na wala pang talo matapos ang tatlong laro.

Inaasahan naman ni Hapee coach Ronnie Magsanoc na magkakaroon na ng kaunting pagbabago at pag-angat sa kanilang laro, partikular sa teamwork kung saan sila lubhang nangapa sa una nilang laro dahil sa dami ng bagong manlalaro sa kanilang roster na ipinampuno nila sa nabakanteng posisyon ng mga nawala nilang San Beda player.

“We will try to be better as coaches and we will have to put them in a better situation,” ani Magsanoc. “No excuses, iyon ang sitwasyon e.”

Sa panig naman ng Liver Marin, posibleng makalaro na rin ang kanilang big man na si Bryan Guinto na hindi nila nakasama sa unang dalawa nilang laban dahil sa MCL.