Kailangan ng Cagayan Valley na kalimutan na ang nangyaring paglisan sa koponan ng kanilang Fil-Tongan na si Moala Tautuaa at harapin at paghandaan na lamang ang mga susunod nilang laro sa ginaganap na 2015 PBA D-League Foundation Cup.
Ayon sa pangunahing playmaker ng Rising Suns, na ngayo’y inaasahang mas pasisiglahin ng kanilang tie-up sa Gerry’s Grill na si Abel Galliguez, kailangan na ng koponan na imulat ang kanilang mga mata sa katotohanan na wala na silang maaasahang Tautuaa kung kaya kailangang mag-step-up lahat ng players at magtulungan para makamit nila ang asam na tagumpay.
“I know (Tautuaa) has moved on and he’s playing well for Cebuana. And I know that we should move on as well,” pahayag ni Galliguez.
Ito ang hinahangad ni Galliguez na aniya’y dapat nilang gawin kung nais nilang makabawi sa natamong kabiguan sa Hapee Fresh Fighters noong nakaraang Aspirants Cup finals.
Nakita ang malaking kakulangan sa iniwan ng top overall pick sa nakaraang draft na si Tautuaa nang masilat ang Rising Suns sa MP Hotel-Letran, 107-106, sa ikalawa nilang laro noong nakaraang Huwebes.
“All the players have to step up, especially in the center slot and I think we’ve been doing alright without Mo. It’s the same system minus one player,” paliwanag ni Galliguez.
Sa ngayon, ayon pa sa Fil-Am point guard, kailangan nilang maging pokus at lumaro bilang isang koponan sa lahat ng aspeto ng laban.
“I think just being consistent from our input, defensive wise, offensive wise we got to play more as a team collectively on the court.”
Gayunman, sa kabila ng natamong kabiguan sa Warriors, optimistiko pa rin si Galliguez na kaya nilang makamit ang tagumpay.
Ang dapat lamang umano nilang gawin ay huwag nang tanawin pa o balikan ang mga araw na nasa kanila pa si Tautuaa at pagbutihin na lamang kung anong line-up mayroon sila ngayon.