Ilang araw makaraang kilalanin ng International Volleyball Federation (FIVB) at Philippine Olympic Committee (POC), nakatakdang maglabas ang Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) ng kanilang database sa lahat ng kanilang mga player, coaches, referees at iba pang technical officials.

Inihayag ni LVPI president Joey Romasanta na kailangan nila ito upang makilala ang lahat ng stakeholders tungo sa madaliang pagtugon sa kanilang mga pangangailangang teknikal na mas magpapaangat at makatutulong upang mas tumaas ang lebel ng volleyball sa bansa.

Sinabi rin ni Romasanta na pinaplano ng LVPI na mag-imbita ng foreign coaches at officials upang magsagawa ng technical seminars sa pakikiisa ng FIVB at ng Asian Volleyball Confederation (AVC).

Uumpisahan ni Romasanta ang kanyang programa sa pamamagitan ng pagkonsulta sa local coaches at iba pang technical personnels makaraan ang Semana Santa.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Sa pagtatapos ng buwan, magtutungo si Romasanta sa AVC headquarters sa Bangkok upang doon mag-ulat kay AVC secretary-general Shanrit Wongprasert.

“In volleyball, coaching and officiating are two of the most crucial things. We won’t develop the game if we’re not aware that we’re doing things wrong. That’s why we’re inviting foreign coaches and technical people to conduct a seminar and transfer whatever technology they have to their local counterparts,” ayon kay Romasanta na siya ring first vice-president ng POC.

Idinagdag din ni Romasanta na ang pagbibigay ng ranking sa mga kaukulang volleyball personnels ay mahalaga para sa kanilang identification.

“That’s why we need to come up with a comprehensive database,” aniya. “We need to identify the players, coaches, referees and technical personnel and their respective grasps of the game. We have to know that is the situation here before we report it to the AVC.”

Naging mahirap para sa LVPI ang makuha ang pagkilala ng FIVB dahil sa naunang deklarasyon ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na sila ang tunay at lehitimong national sport association sa volleyball dito sa Pilipinas.

Ganap namang ibinigay ng FIVB ang kanilang pagkilala sa LVPI noong Martes, ngunit iginiit ng mga ito na kailangan pa ring bayaran ng asosasyon ang $80,000 pagkakautang ng PVF.

Umayuda naman sa kanila ang isang pribadong donor, ang TV5 na inako ang obligasyon at ginawang bahagi ng coverage contract para sa Asian U23 Women’s Championship sa Mayo.