Bigo si detained Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na makapiling ang anak sa araw ng pagtatapos nito ng high school ngayon.

Ito ay matapos ibasura ng 1st Division ng Sandiganbayan ang mosyon ni Revilla na makadalo sa graduation rites ng anak na si Loudette sa Dela Salle Zobel sa Ayala Alabang, Muntinlupa.

Hiniling ng senador sa anti-graft court na pansamantalang makalabas ng kulungan upang makapiling ang anak sa graduation nito, mula 2:30 ng hapon hanggang 6:00 ng gabi.

Ngunit sinabi ng hukuman na hindi maaaring itratong “exceptional circumstance” ang graduation ng anak ng senador.

National

Amihan, shear line, ITCZ, patuloy na magpapaulan sa PH

Nilinaw ng korte na iba ito sa mga naunang hirit ng senador na kanilang pinagbigyan na tulad ng pansamantalang paglabas sa kulungan dahil sa medical check-up at pagdalaw sa anak na si Jolo sa ospital.

Idinahilan ng korte na kung papayagan nila si Revilla na makadalo sa graduation ng anak, maaaring maging “bad precedent” ito at ituring na “mockery of the administration of justice”.

Sa kanilang mosyon, idinahilan ng defense panel na hindi naman ito para sa senador, kundi sa anak nito.

Pero ayon sa Sandiganbayan, hindi partido sa kaso ang anak ni Revilla.

Pinayagan naman ng 5th Division ng anti-graf court ang mosyon ni Senator Jinggoy Estrada, kapwa akusado ni Revilla sa kasong plunder sa pork scam, na makadalo sa graduation ng anak.