Hinimok ni Senator Sonny Angara ang sambayanan na makiisa sa paggunita ng Earth Hour at Earth Day upang mabigyan ng dagdag na kaalaman ang lahat hinggil pa rin sa isyu ng climate change.

Ang Earth Hour ay taunang isinasagawa sa buong mundo bilang pag-alala sa kalikasan.

Bawat indibidwal, komunidad, kabahayan at negosyo ay hinihiling na makiisa sa isang oras na pagpatay ng ilaw mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi sa Marso 28.

Noong 2013, nanguna ang Pilipinas sa mga bansang pinakaapektado ng climate change, base sa pag-aaral ng environmental organization na German Watch. Kabilang din ang Cambodia, India at Mexico na tulad ng Pilipinas ay sinalanta rin ng mga bagyo, pagbaha at matinding tag-init.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

Sa ulat ng Center for Research on the Epidemiology of Disasters, mula 2010-2014 pa lamang ay nakapagtala na nang mahigit $14B o P626B economic damage ang Pilipinas dahil sa mga natural disaster na dumaan dito. Lubhang napakataas mula sa $1.7B o P76B damage mula 2000 hanggang 2009.

Mula 2009, nakiisa na ang Pilipinas sa panawagan na ito at kinilala ang bansa bilang “Earth Hour Hero Country” mula 2009 hanggang 2013. 

Taun-taon, mahigit 15 milyong Pinoy ang nakikiisa sa naturang aktibidad, dahilan upang manguna ang Pilipinas sa mga bansang lumalahok dito.  

Samantala, ang Earth Day na ipinagdiriwang sa buong daigdig tuwing Abril 22 ay nagpapaalala naman bilang pagsuporta sa mga programang may kinalaman sa kalikasan.

Dito sa bansa, binubuo ng mahigit 2,000 miyembro na mula sa iba’t ibang sektor ang Earth Day Network Philippines at Alliance for Green Philippines. Kabilang sa mga ito ang ilang organisasyon, lokal na pamahalaan, kalakalan, simbahan, at paaralan na tulung-tulong sa pagpapalaganap ng mga programang may kinalaman sa proteksiyon at pangangalaga sa kalikasan.

“Panatilihin natin ang pagsuporta sa Earth Hour at Earth Day. Muli, nananawagan ako sa ating mga kababayan na ipakita natin sa buong mundo ang pagkakaisa ng mga Pilipino laban sa climate change. Pinakamahalaga sa lahat, ipakita nating hindi lamang iisang oras ang kaya nating ibigay para pangalagaan ang kalikasan. Makisalamuha tayo, makiisa sa mga usapin na reresolba sa mga suliraning may kinalaman sa environmental change,” ayon kay Angara.