Noong 2010 presidential elections, ang inindorso ni ex-Pres. Gloria Macapagal Arroyo (GMA) ay si ex-Defense Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro, pinsan ng noon ay Senator Benigno S. Aquino III.

Maraming kandidato noon sa pagkasenador at kongresista ang umiwas na itaas ang kanilang kamay ni GMA dahil galit ang taumbayan sa kanya bunsod ng “Hello Garci” issue. Noon ay tinawag na “Kiss of Death” para sa sino mang susuportahan ni Aleng Maliit. Gayunman, pinili pa rin ni Teodoro, isang magaling na pulitiko at pinakakuwalipikadong maging Pangulo ng bansa, ang endorsement ni GMA. Naging “Kiss of Death” para kay Gibo Teodoro ang gayong pangyayari. Sayang. Ngayon, marami ang naniniwalang isa ring “Kiss of Death” ang gagawing endorsement ni Pangulong Noynoy Aquino sa sino mang kandidato sa 2016. Kelangan ni PNoy na manalo ang kanyang “anointed one” upang sa pagbaba niya sa puwesto, hindi siya matulad kay GMA na sampahan ng kung anu-anong kaso, kabilang ang plunder, corruption, at iba pa. Sabi nga ng isang journalist, makabubuti sa Pangulo kung ang “anointed one” niya ay si Vice President Jejomar Binay na malaki ang utang na loob kay ex-Pres. Cory Aquino. Tiyak daw na hindi siya pababayaang makulong tulad ni GMA na ngayon ay under hospital arrest. Pero, karamihan sa taumbayan ay walang gana kay Binay bunsod ng katakut-takot na alegasyon ng kurapsiyon. Kaya kung iindorso siya ni PNoy, baka “double whammy” ang tumama kay VP Binay.

Walang sino mang hindi naghahangad ng kapayapaan. Gayunman, ang kapayapaan ay matatamo lang kung may sinseridad at hustisya sa dalawang partido na nag-uusap tungkol dito. Sa kaso ng peace talks sa pagitan ng GPH at MILF, lumilitaw ang kawalan ng sinseridad ng MILF na pumatay nang walang awa sa mga kasapi ng PNP Special Action Force noong Enero 25. Sa report nito, inakusahan pa ang SAF sa paglabag sa ceasefire agreement dahil sa pagpasok sa Mamasapano nang walang koordinasyon sa kanila. Paanong lalabag ang SAF men gayong may bitbit silang arrest warrant laban kay Marwan. Hindi raw alam ng MILF ang operasyon. Tanong: Kung ipinaalam ba sa kanila ang operasyon vs Marwan, hindi kaya nila alertuhin ang terorista na kanilang kinukupkop sa naturang lugar? Kung ganito ang MILF report, maliwanag na inaakusahan din nila si PNoy ng paglabag sa kasunduan sapagkat mismong ang Pangulo ang nag-apruba sa Oplan Exodus upang hulihin si Marwan at dalawang kasama niyang sina Amin Baco, alyas Jihad, at Basit Usman.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente