Tinutulan ng prosecution panel ang mosyon ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na makadalo sa graduation ceremony ng anak sa Sabado.

Sa isinagawang pagdinig ng Sandiganbayan First Division, idinahilan ng prosekusyon na lilitaw na may special treatment sa senador kung papayagan ito lalo’t una nang naibasura ang hirit nitong makapagpiyansa.

Hiniling din ng taga-usig na maglabas ng ebidensya si Revilla na nagpapatunay na magtatapos sa high school ang isang anak nitong si Loudette Bautista.

Paliwanag naman ng panig ng depensa, ang kanilang hiling ay hindi para sa senador kundi sa anak nitong nakatakda pang tumanggap ng ilang awards.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Nakapaloob sa mosyon ni Revilla na makalabas muna ng Philippine National Police-Custodial Center sa Marso 28 mula 2:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.

Mag-uumpisa umano ang graduation rites sa De La Salle Zobel, Ayala Alabang, Muntinlupa ng 2:30 ng hapon at magtatapos bandang 6:00 ng gabi.

Nauna nang pinahintulutan ng Fifth Division ng anti-graft court ang mosyon ni Senator Jinggoy Estrada, kapwa akusado ni Revilla sa kasong plunder sa pork scam, na makadalo sa graduation ng anak.