Nilalanse ng Pamahalaang Aquino at ng samahang Deles at Coronel-Ferer ng Peace Process ang sambayanang Pilipino sa pagbabatingaw na ang BBL ang tanging susi sa pagkakamit ng kapayapaan.
Ginagatungan pa ang tiwaling akala na kung hindi daw maipapasa ang BBL, katumbas nito gera. May pagbabanta pa si Coronel-Ferrer na makikipag-alyansa ang MILF sa teroristang grupo ng ISIS kapag binasura ang BBL (Terorista nga!). Kaya upang maiwasaan ang muling pagsiklab ng malawakang kaguluhan sa Katimugang Mindanao, kailangang yumukod ang Kongreso sa kagustuhan ng MILF huwag amyendahan ang panukalang batas. Tinamaan ka ng… Una, malinaw pa sa sikat ng araw na aalisin ng mga Mambabatas ang probisyong kontra sa Konstitusyon.
Sakali mang makalusot ang BBL ng walang pagbabago dahil sa “malakihang usapan” na ipinamudmod ng Palasyo sa mga Congressman at Senador, siguradong masisipat naman ito ng Korte Suprema. Kung yung dating MOA-AD ni PGMA di nakalusot, yung mas kahindik-hindik pa ba kayang BBL! Anong ibang diskarte ang kapalit sa BBL? Andyan ang ARMM na maaaring ipagpatuloy at tukuyin kung papaano mas palawigin. Sino bang Poncio Pilato ang nagpatalastas na palpak ang ARMM kasi? Di ba PNoy? Anak ng tagapatnugot ng ARMM na si Cory Aquino. Maniwala tayo? Liban dito, pwedeng ipagpatuloy ng Pamahalaan lahat ng proyekto at pagawaing bayan sa Katimugang Mindanao hal. tulay, paaralan, highways, ospital, atbp. na hindi kailangan ipadaan sa MILF. Isama natin sa usaping pangkapayapaan ang iniiwasang dahilan kung bakit may digmaan sa bandang ito ng bansa – ang Sultanato ng Sulu at Sabah.
Tandaan, ang Sultanato ang yumakap sa kanilang pagka-Pilipino at hindi nagsimula ng gulo, gumamit ng dahas o armas upang ipaglaban ang kanilang karapatan, at para pa lumawak ang teritoryo ng Pilipinas. Huwag kasi magbulag-bulagan ang Palasyo na ang Sabah ang pusod bakit nagpadrino ang Malaysia ng MNLF; at ngayon MILF. Kung bakit matinding “namumuhunan” ang Malaysia sa ating ekonomiya, pamumulitika, higit, namimili ng mga pangulo. Magkano? Hal. $750M dollars. Totoong kalaban ng Pilipinas hindi ang MILF, bagkus anino ng Malaysia. Sila ang taga-gatong sa kaguluhan ng bansa. Kung pinipilit ng Malakanyang ang BBL alam niyo na bakit. Kapayapaan tayo. Hindi BBL!