Viral na sa social media ang video ng kontrobersiyal na talumpati ng isang batch salutatorian na pinahinto ng mga guro matapos niyang batikusin ang pamunuan ng Sto. Niño Parochial School sa Bago Bantay, Quezon City, sa kalagitnaan ng graduation ceremony.

Sa footage sa Youtube, sa simula pa lang ng talumpati ni Krisel Mallari ay naglabas na siya ng sama ng loob sa naturang Catholic school.

“Sa bawat taon na lumipas ay puspusan ang pag-aaral na ginawa ko sa eskuwela, naniwala ko sa patas na labanan. Sa pagtatapos ng school year na ito’y isang hakbang na lang ang layo ko sa finish line, ngunit sa pagdating ko rito’y naglaho ang pulang tali na sisimbolo sana sa aking tagumpay, naglaho nga ba o sadyang kinuha?,” bahagi ng talumpati ni Mallari.

Sa pagkakataong ito, pinahinto siya ng isang guro pero sa halip na tumigil ay ipinagpatuloy ni Mallari ang pagsasalita sa harap ng mga dumalo sa graduation rites.

First Lady, unang hinanap si PBBM matapos panoorin Hello, Love, Again<b>— Alden</b>

Dahil dito, nilapitan na siya ng mga guro ng paaralan at pinigilang magsalita at sinabihang maupo na lang.

Kapansin-pansin din ang pag-aabot ng isang guro ng papel kay Mallari na kalaunan ay nabatid na ang talumpating ipinababasa sa estudyante, pero umalis na lang sa entablado ang huli.

Ayon kay Mallari, ang binasa niyang speech ay hindi aprubado ng paaralan.

Aniya, malaki ang hinala niyang mas mababa ang grades na ibinigay sa kanya.

Pero sinabi niyang hindi na niya hinahabol pa ang titulong valedictorian, iginiit na mas mabuting mabigo nang may dangal kaysa magtagumpay sa pamamagitan ng pandaraya.

Naiulat na ilang beses na umanong lumapit sa pamunuan ng eskuwelahan ang mga magulang ni Mallari para kunin ang computation ng kanyang mga marka, pero bigo sila.

Sinabi naman ng Department of Education (DepEd) na handa ang kagawaran na imbestigahan ang reklamo laban sa eskuwelahan pero kailangan munang pormal na maghain ng reklamo ang pamilya ni Mallari.