Inaasahang mag-iinit ang isasagawang General Assembly ng Philippine Olympic Committee (POC) ngayon hinggil sa planong pagharap ng mga opisyal ng Philippine Volleyball Federation (PVF) upang harangan ang pagkilala sa mga opisyal ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Incorporated (LVPI).

Nakatakdang ganapin sa ganap na alas-12:00 ng tanghali ang POC General Assembly sa Wack-Wack Golf and Country Club kung saan ay inaasahang dadalo ang halos 52 miyembro ng national sports association (NSA), kabilang ang nakatakdang pagkilala at pagbigay ng sertipiko sa LPVI bilang bagong miyembro NSA.

Nakatakda ring pag-usapan sa nasabing pangkalahatang asembliya ang mga detalye para sa nalalapit na kampanya ng Pilipinas sa gaganaping 28th Southeast Asian Games sa Singapore kung saan ay lalahok ang bansa sa 33 sa 36 na sports na paglalaban, kabilang ang men’s at women’s volleyball.

Napag-alaman sa kampo ng PVF, na nasa pamumuno ngayon ng dating premyadong golfer na si Edgardo “Boy” Cantada, na nais nilang ipahayag at ipaglalaban ang karapatan ng asosasyon kontra sa Philippine Olympic Committee (POC) at sa bagong buo na LVPI.

National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino

“We want to tell everybody that PVF remains and is still the governing body for volleyball until such time that we are taken out of the general assembly,” ayon kay Cantada. “We strongly challenge the POC, at kung sinu-sino pang Jose at kanilang kaalyado na ipakita sa amin kung paano sila naging lehitimo.”

“POC is a fraternity of national sports associations (NSA’s) and not of those few who runs the show. Ang puwede lamang mag-alis sa amin ay ang desisyon ng majority of the members,” giit ni Cantada, na inaasahang isasama ang mga bagong nahalal na pinuno ng PVF.

Ipinaliwanag ni Cantada na niresolba ng PVF ang kanilang internal na problema, base sa iniutos ng POC kung saan ay isinagawa nila ang General Assembly noong Enero 25 at iniluklok ang 9-kataong board of officers.

Ang 11 kataong PVF Board ay binubuo ni Karl Chan, Cantada, Roger Banzuela, Ricky Palou, Victorico Chavez, Arnel Hajan, Al Mendoza, Mariano Diet-See at Mozzy Ravena.

Nahalal si Cantada bilang pangulo habang VP for Luzon si Engr. Diet-See, VP-Visayas si Banzuela at VP-Mindanao si Hajan. Iniluklok ang dating PVF president na si Chan bilang Sec. Gen. habang Deputy Sec. Gen. si Gerard Cantada at Managing Project Director si Dr. Rustico “Otie” Camangian.

Hindi naman dumalo sa eleksiyon sina Chavez, Palou at Ravena.

“Kami ang legitimate NSA’s and we will inform the POC General Assembly about it,” dagdag pa ni Cantada.

“What the POC Board did was illegal, unlawful and immoral. We are looking at the GA first and then we will go on with what we know is the right and legal process,” paliwanag pa ni Cantada.

Matatandaan na dumating sa bansa si Asian Volleyball Confederation (AVC) Vice-president at secretary-general Shanrit Wongprasert na inihayag ang pagkikila sa liderato ni Joey Romasanta bilang pangulo ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. (LVPI).

Unang dumalo sa isinagawang draw para sa AVC Asian Women’s Under 23 Championships si Wongprasert bago nito ipinahayag ang pagsuporta sa asosasyon sa volleyball na siyang kinikilala ng POC.

Bagamat nahuli si Romasanta sa itinakdang panahon, naisumite nito ang listahan ng inihalal na opisyales makalipas ang isang linggo matapos ang serye ng diskusyon sa mga representante ng Philippine Superliga, Shakey’s V-League, University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Inihalal si Romasanta bilang pangulo habang ang dating Philippine Amateur Volleyball Association (PAVA) president na si Victorico Chavez ang itinalagang chairman. Iniluklok naman sa pangunahing posisyon sina Peter Cayco ng NCAA bilang vice-president, Ricky Palou mula sa Shakey’s V-League at UAAP bilang secretary-general, Ariel Paredes ng Philippine Superliga bilang treasurer at si Jeff Tamayo ng NCAA bilang director.