Posibleng maantala ng ilang linggo ang konstruksiyon ng Skyway extension project dahil sa pagbagsak ng girder launcher sa Andrews Avenue at Tramo sa Pasay City noong Lunes ng hapon, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.

Ito ay upang bigyang-daan ang imbestigasyon ng awtoridad at kabilang sa sinisilip na sanhi ng pagbagsak ng girder launcher ang umano’y pagkakamali ng operator at hindi ang pagpalpak ng heavy equipment.

May hinala naman si Tolentino na mechanical failure ang sanhi ng pagbagsak ng girder launcher dahil bago, aniya, ang makina na ginamit sa girder launcher.

Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson na batay sa isinagawang assessment ay posibleng abutin ng isang buwan bago makakuha ng bagong girder launcher para sa konstruksiyon ng Skyway.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Pag-aaralan din ng DPWH kung papanagutin nito sa nangyari ang contractor na DMCI, na nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon.

Ikinatwiran ng operator sa DPWH na matagal nang nagtatrabaho sa DMCI na pinatay niya ang makina subalit umatras pa rin ang girder launcher kaya lumagpas sa posisyon at bumagsak ito dakong 3:55 ng hapon.

Bagamat walang iniulat na nasaktan, minalas namang nabagsakan ng debri ang limang pribadong sasakyan na dumadaan sa lugar.

Tiniyak naman ni DMCI project manager Dwight Taala na sasagutin ng kumpanya ang danyos, partikular sa mga nadamay na sasakyan habang hihintayin muna ang reklamo ng mga pasahero ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naantala sa kani-kanilang flights dahil sa insidente.