Sinisisi ng mga magsisibuyas sa Nueva Ecija ang Department of Agriculture (DA) sa kanilang pagkalugi dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng naturang produkto bunsod na rin ng pagbaha ng imported na sibuyas sa merkado sa pamamagitan ng smuggling.
Ayon sa mga magsasaka, aabot sa 1,000 permit to import ang inilabas ng tanggapan ni Agriculture Secretary Proceso Alcala upang makapag-angkat ng sibuyas ang mga kooperatiba sa lalawigan na nagresulta sa pagtaas ng supply nito.
Reklamo ng mga magsasaka sa lugar, nangyayari ito kapag papalapit ang anihan.
Aabot sa 60 porsiyento ng supply ng sibuyas sa bansa ang nanggagaling sa Nueva Ecija.
Tinukoy ng mga ito ang umiiral na farm gate price ng yellow granex onion na bumagsak sa P7 mula sa dating P9 kada kilo, habang ang pulang sibuyas ay nasa P10 hanggang P12 bawat kilo.
Doble, anila, ang ibinagsak ng presyo ng sibuyas kumpara noong nakalipas na taon.
Naiulat na pumasok sa bansa ang libu-libong tonelada ng yellow granex onion mula Seytembre 14, 2014 hanggang Marso 9 ng kasalukuyang taon.
Aabot, anila, sa libong import permit ang inilabas ng DA sa pamamagitan na rin ng Bureau of Plant Industry (BPI), sa 49 na importer, lima sa mga ito ay mga kooperatiba sa Nueva Ecija.
Kabilang sa nasabing importer ang Bagong Sigla Credit Cooperative (BSCC), na pinamumunuan ni Vilma Camato, at Ang Magsasaka ng Barangay Vega Producers Cooperatives.
Nauna nang inihayag ni Bongabon Mayor Allan Gamilla na inireklamo na niya ang usapin sa DA at sa Bureau of Customs (BoC) ngunit hindi umano inaksiyunan ng nasabing mga ahensiya ang kanyang hinaing.