Nasa pagitan ng hole No. 5 at 6 ang kinalalagyan ni Pangulong Gloria sa Veterans Memorial Golf Course. Nahuli ako sa mga kasama ko sa flight patungong hole No. 6. Sinusundan ko sila nang makita kong may kinakamayan silang babae sa bungad ng daan patungo sa pansamantalang piitan ng Pangulo. Nakaalis na ang mga kasama ko at ang babae sa lugar kung saan sila nagkamayan nang makilala ko na ang babae palang iyon ay si Pangulong Gloria. Pagdating ko sa lugar, sa hangad kong makamayan din ang Pangulo, sumigaw ako ng “Madam President, may I also shake your hand?” May kalayuan na siya nang bumalik at nakangiting inabot niya ang kanyang kamay. Ako po so Ric Valmonte, wika ko.

Bagsak na ang katawan ni Pangulong GMA. Hindi kasiyahan ang mababakas sa kanyang ngiti. Para bang ibinibigay na niya kanyang sarili sa mga mangyayari. Napakahirap para sa isang tulad niya na naging lider ng bansa ang tanggapin ang nangyayari sa kanya ngayon. Isa marahil ito sa mga dahilan ng ikinabagsak ng kanyang katawan. Totoo, may nakabimbin siyang mga kaso na dahilan ng kanyang pansamantalang pagkakulong. Hustisya ang ipinipilit manaig kaya anumang kahilingan niya para mapagaan ang kanyang kalagayan at maibalik ang kasiglahan ng kanyang katawan at isip ay ating ipinagkakait. Pero, hindi naman tayo marunong maggawad ng hustisya. Sa panahon ni Pangulong Gloria, kung totoo mang maanomalya ang pagpapatakbo niya ng pamahalaan, kasama niya noon sina Senate President Franklin Drilon, Budget Secretary Butch Abad at DSWD Sec. Dinky Soliman. Sa panahong iyon na tumatanggap ng grabeng batikos ang Pangulo, si Drilon ang nagsabi na kung ayaw ng mamamayan sa kanya rito sa Metro Manila pumunta siya sa Iloilo. Sa amin sa Iloilo, wika niya, mahal na mahal ka namin. Umiyak si Soliman kay Pangulong Gloria nang intrigahin siya sa takot na tanggalin siya ng Pangulo. Dahil sa tumagilid ang Bangka ng Pangulo, nagtakbuhan sila. Pero kung marunong tayong maggawad ng hustisya, wala sana ang tatlong ito sa pamahalaan ng “Tuwid na Daan” kahit hindi sila natulad kay Pangulo Gloria. Ang problema, sila rin ang naghahasik ng katiwalian lalo na si Abad na inhenyero ng DAP. Kaya, hindi kalabisan kung ibigay kay Pangulong Gloria ang house arrest na hinihiling niya dahil wala namang moral authority ang kasalukuyang adminstrasyon na ikulong siya. Higit na grabe nga ito sa katiwalian kaysa kanyang administrasyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente