GINUGUNITA ng World Meteorological Day (WMD) ngayong Marso 23 ang paglikha sa World Meteorological Organization (WMO) noong Marso 23, 1950. Nakabase sa Geneva, Switzerland, ang WMO ay isang specialized agency ng United Nations (UN) na nagrereport tungkol sa status at aktibidad ng atmosphere ng daigdig, ang interaksiyon nito sa mga dagat, ang klima na ibinubunga nito, at ang distribusyon ng water resources. May 191 member state ito, kabilang ang Pilipinas, na kinakatawan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na umanib sa WMO noong Abril 5, 1949.

Ang mga programa sa national meteorological at hydrological services sa lipunan ay inorganisa upang ipagdiwang ang WMD 2015 sa temang “Climate Knowledge for Climate Action”. Misyon ng WMO ay ang suportahan ang mga bansa sa pagkakaloob ng meteorological and hydrological services upang protektahan ang buhay at ari-arian mula sa mga kalamidad, ang pangalagaan ang kapaligiran, at mag-ambag sa tuluy-tuloy na kaunlaran.

Ang epektibo at mahusay na pagtaya ng lagay ng panahon ang umaayuda sa agriculture, aviation, shipping, at iba pang decision-makers, at mga manggagawa sa weather-sensitive sectors sa pagpaplano ng kanilang aktibidad, pati na rin ang paghahanda sa mga kalamidad. Salamat sa siyensiya at teknolohiya, ang mga pagtaya ng lagay ng panahon ay mas maaasahan at mas nakapagtataya ng natural cycles at malalawak na pattern ng climate sytem para sa panahon ng El Niño/La Niña phenomenon, at greenhouse gas emission.

Isang bagong blueprint para sa mga hakbangin sa disaster risk reduction, na kapalit ng unang Hyogo Framework for Action, ay nasa agenda ng Third UN World Conference hinggil sa Disaster Risk Reduction na idinaos ngayong buwan sa Sendai, Japan, isang preparasyon para sa UN Framework Convention on Climate Change na idaraos sa Disyembre sa Paris sa layuning magkaroon ng bagong universal agreement upang salungatin ang climate change.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Ang pagdaraos ng WMD ngayong taon ay pinangungunahan ng Department of Science and Technology-PAGASA. Kabilang sa mga aktibidad ang isang exhibit na “PAGASA: Then and Now,” paglulunsad ng isang bagong serbisyo tulad ng storm surge warning signals, bagong website, at Be Secure Project; isang scientific forum tungkol sa WMD 2015 theme; isang poster-making contest, sa pakipagtulungan ng Department of Education; paggawad ng Wind Vane Award sa mga indibiduwal o organisasyon na nakapag-aambag sa pagkamit ng mandato ng ahensiya; loyalty awards para sa PAGASA employees; motorcade, aerobics, at fun games.

Ang PAGASA, ang ahensiya para sa weather forecasting, flood control, astronomical observation, at time service, ay palagiang nagbabantay ng lagay ng panahon at klima para sa sambayanang Pilipino. Pinahuhusay nito ang kanilang serbisyo at kasangkapan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming radar station, automatic rain gauge, landslide early-warning sensor, at automated weather station upang mamonitor ang dami ng ulan at taas ng baha.