Kapag minalas si Pangulong Noynoy Aquino, dalawang legacy ang maiiwan niya sa Pilipinas - dalawang negatibong pamana – ang Quirino Grandstand bus tragedy noong 2010 na ikinamatay ng walong taga-Hong Kong at ang Mamasapano operation na ikinamatay ng 44 PNP Special Action Force (SAF) commando. Tiyak matatabunan ng dalawang kagimbal-gimbal na trahedya ang kanyang “Tuwid na Daan”.
Sa insidente sa Rizal Park, namalas ng buong mundo ang pagiging inutil ng liderato ni PNoy dahil hinayaan niyang pangasiwaan ang PNP ni DILG Usec Rico Puno gayong ang incumbent Secretary ay si Jesse Robredo. Sa Oplan Exodus naman, ang pinamahala niya sa sensitibong operasyon para ma-neutralize ang high-value target na si Marwan, ay ang matalik niyang kaibigan na si PNP Chief Director General Alan Purisima na suspendido na noon ng Ombudsman dahil sa paratang ng katiwalian. Sabi nga ng isang senior jogger: “Kasi sina Puno at Purisima ay kapwa miyembro ng KKK.”
Sa pamamahala sa gobyerno, mahalaga ang pagiging matapat at malinis ng isang pangulo. Sa kaso ni PNoy, walang duda ang kanyang personal integrity, hindi siya tiwali o bulok tulad marahil ng kanyang cordon sanitaire o ilang miyembro ng gabinete. Gayunman, hindi sapat ang pagiging matapat ng isang lider upang matagumpay na marendahan ang gobyerno at bansa. Kailangan din niyang maging praktikal, may kakayahan, flexible, hindi pusong-bato at matigas ang ulo na ayaw tumanggap ng mga payo mula sa sinserong mga kritiko at ordinaryong mamamayan - ang tunay na Boss ng bayan. Sa ulo ng mga balita noong Miyerkules, nagdudumilat ang “The buck stops with the President.” Sa iba pang balita, mas matindi ang “Poe says PNoy must apologize.” Ito ay may kaugnayan sa sumablay na Jan. 25 Mamasapano operations. Ayon sa balita, sinasabing si PNoy ay may political liability sa trahedyang sinapit ng 44 SAF commando. Sa report ng Senado, isinasaad na pinayagan niya si Purisima na makisangkot sa operasyon, nabigong pigilan ang kanyang BFF sa “unlawful exercise of official functions” sa Oplan Exodus dahil siya ay suspendido na. Pahayag ni Poe: “For this, Mr. Aquino was ultimately responsible for the outcome of the Mamasapano mission and must bear responsibility for the carnage.” Matapang pala ang anak ni FPJ, may “balls” din siya tulad ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Bulong sa akin ni Tata Berto: “Dapat nang mag-sorry si PNoy, akuin ang responsibilidad. Mapagpatawad naman ang mga Pinoy.”