Bilib ang maraming Pilipino kay Sen. Grace Poe dahil tahasang isinaad niya sa committee report na kanyang pinamumunuan na talagang si Pangulong Noynoy Aquino ang responsable sa pumalpak na Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 PNP Special Action Force (SAF) commando. Tahasan ding sinabi ni Poe na hindi isang misencounter ang naganap na bakbakan sa pagitan ng SAF commandos at MILF, BIFF, at iba pang armadong grupo. Ito ay isang masaker. Maliwanag na pinagtulungan ng MILF, BIFF at mga armadong grupo ang SAF men para hanapin at hulihin si Marwan at Basit Usman.

Bagsak ang approval at trust ratings ni PNoy batay sa pinakahuling survey results. Nagtamo lang siya ng 38 approval ratings at 36 trust ratings mula sa 59 ratings noong Nobyembre, pinakamababang grado sa panahon ng kanyang panunungkulan. Ewan ko kung makababangon pa ang binatang Pangulo matapos ang kagimbal-gimbal na pagkamatay ng SAF commandos na ang iba raw ay buhay pa at sugatan pero malapitan pang binaril para siguruhing patay. Sa committee report, sinasabing ipinagkatiwala niya ang pangangasiwa sa operasyon kay ex- PNP Chief Director General Alan Purisima gayong ito ay suspendido.

Totoo kaya na Malaysian citizens sina MILF chairman Al Haj Murad Ibrahim at chief peace negotiator Mohagher Iqbal? Ang citizenship nila ay ibinunyag ni dating DILG Sec. Rafael Alunan. Dapat suriing mabuti ito ng mga awtoridad dahil bakit makikipag-negotiate ang gobyerno sa MILF gayong ang mga lider pala nila ay Malaysian.

Nabalitaan ba ninyong isang kakataying kalabaw ang nagwala sa isang lugar sa Quezon City at nakasugat ng ilang tao matapos itong manuwag nang walang habas? Nabalitaan din ba ninyo na isang baka naman ang diumano ay ni-rape ng isang lalaki sa Cavite City? Hinihinalang nasa impluwensiya siya ng bawal na gamot nang isagawa ito. Hinuli siya at kinasuhan. Sa panggagahasa sa isang baka, puwede kaya siyang tawaging cow rapist?
National

Pagkaltas sa budget ng edukasyon at kalusugan, 'di magandang pamasko —Aquino