Magkakaloob ang Kamara ng kabuuang P5.3 milyon bilang ayudang pinansiyal sa mga benepisyaryo ng Special Action Force (SAF) 44 Heroes, 15 SAF survivor at 15 kawal na nasugatan sa Mamasapano encounter noong Enero 25, 2015.
Ang fund drive para sa mga namatay na commando ang nakasaad sa House Resolution No. 181, kasama na ang House Resolution 186 na pinagtibay ng kapulungan.
Ang tulong-pinansiyal ay boluntaryong kontribusyon ng mga kongresista sa pamamagitan ng one-time donation na P10,000 na aawasin sa buwanang sahod ng bawat mambabatas. Gayunman, maraming kongresista ang nagkaloob ng higit pa sa P10,000.
Ang simbolikong pagkakaloob ng fund collection ay ginanap sa session hall at dinaluhan ni House Speaker Feliciano Belmonte, at ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sina Police Director for Comptrollership Rolando Purugganan, Budget Division Chief, DC, Senior Supt. Emmanuel Luis Licup at Finance Service Deputy Director Senior Supt. Lurimer Detran.
Ang P5.3 milyon donasyon ay binubuo ng P4,889,000 mula sa 285 kongresista, P100,000 mula sa Party List Coalition Foundation, Inc.; P225,800 mula sa mga empleyado at opisyal ng Secretariat; P65,100 mula sa congressional staff; at P20,100 mula sa contractual employees.
Sa P5.3 milyon, P4.4 milyon ang ipagkakaloob sa mga pamilya ng SAF 44, P600,000 para sa 15 sugatang kawal, at P300,000 para sa 15 SAF survivor.