Ni JC BELLO RUIZ
Tikom ang bibig ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa mga ispekulasyon na suportado niya ang kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pampanguluhan sa 2016.
Naungkat ang umano’y pagsuporta ni Ramos matapos ihayag ng dating Pangulo na ang kanyang napupusuan na susunod na president ng bansa ay mula sa Mindanao.
Ayon sa mga ulat, inihayag ito ni Ramos matapos siyang magsasagawa ng closed-door meeting kasama si Duterte kamakailan.
Sa halip na sagutin ang tanong ng mga mamamahayag kung totoong susuportahan niya si Duterte sa 2016, tumugon si Ramos ng pambiro.
“Who am I supporting in 2016? No, but I am looking at 2022,” pahayag ng 87-anyos na dating Pangulo.
Nang maging seryoso ang talakayan, sinabi ni Ramos na nais niyang maging lider sa bansa ang nakababatang henerasyon.
“We need younger leaders. So where are the young ones? Come out, come out,” aniya.
Sinabi ni Ramos na karamihan ng mga susunod na kandidato sa pagkapangulo sa 2016 ay “oldies” habang ang mayorya ng mga namuno sa ibang bansa ay mula sa nakababatang henerasyon.
“Look at the Prime minister of United Kingdom, Dave Cameron he was leader of opposition in UK in the Cabinet of Tony Blair at age 38 but within 4 years he was prime minister, age 42. How old are the candidates here? I was oldest to enter Malacañang at age 64 and retire at 70 still able to do 10 pushups,” humahagikhik na inihayag ni Ramos.
Sa kalagitnaan ng press conference, hinamon din ni Ramos ang mga cameraman at photographer na sabayan siya sa pag-push up.
Binansagan pa ni Ramos ang kanyang sarili bilang “Manny Pacquiao Jr.”
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia sa mga presidentiable sa 2016, pumuwesto si Duterte sa top five ng mga posibleng kandidato.
Ang top five ay kinabibilangan nina Vice President Jejomar C. Binay, Senator Grace Poe, dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada, Duterte at Senator Miriam Defensor-Santiago.