Bukod sa pagiging haligi ng Philippine journalism at huwarang Presidente ng National Press Club (NPC), si Amante Bigornia ay maituturing na modelo ng katapatan o honesty sa larangan ng pamamahayag. Bilang isang reporter, editor at Acting Press Secretary noong mga huling bahagi ng panunungkulan ni Presidente Ferdinand E. Marcos, hindi nakitaan si Amang, tulad ng tawag sa kanya ng ating mga kapatid sa propesyon, ng pagsasamantala sa pagtupad ng kanyang tungkulin.

Ang mga katangiang ito ang masasabing mga pamana o legacy sa journalism profession na natitiyak kong binaon ni Amang sa kanyang pagyao kamakalawa sa edad na 98 anyos. Hindi nadungisan ng mga alingasngas ang kanyang pagiging isang peryodista sa kabila ng mga mapanuksong kaway ng pamamahayag.

Personal ang aming relasyon ni Amang. Katunayan, isa sa kanyang mga supling ay inaanak ko sa binyag sa kabila ng malayong agwat ng aming edad; ako ay isang septuagenarian samantalang siya ay nonagenarian – dalawang taon na lamang at isa na siyang centenarian.

Sa loob ng kanyang mahabang panahon ng pagiging peryodista, editor at NPC president, masasabing isa siyang henyo sa larangan ng pamamahayag. Kalaunan nga, humawak siya ng mataas na puwesto sa Press Office ng Malacañang. Lagi siyang kaagapay ng Malacañang Press Corps (MPC) sa lahat ng misyon nito, lalo na sa mga state visit noon ni Presidente Marcos – at ng nakalipas pang mga Pangulo ng bansa.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Hindi matatawaran ang pagiging matapat sa tungkulin ni Amang – hindi nakikiusap lalo na kung para sa kanyang sarili. Dahilan kung bakit siya ay isang mahirap ng peryodista hanggang sa kanyang kamatayan. Isa siyang disciplinarian.

Sa iyong pagpanaw, sa ngalan ng mga mamamahayag, sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Madamdaming pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay.