Nananawagan ang mga miyembro ng Duterte for President Movement (DPM) ng mga volunteer upang tumulong sa pagpapakalat ng adhikain ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na isinusulong ng grupo na kumandidato sa pampanguluhan sa 2016 elections.

Sinabi ni Butch Ebreo, ng Duterte for President Movement-Negros Chapter, na bukod sa malaki ang paniniwala sa kakayahan at sinseridad ni Duterte, wala rin dapat na inaasahang kapalit na pabor ang mga volunteer na sasama sa kanilang grupo kapag nanalo ang kanilang pambato sa halalan.

Bagamat malamig pa rin si Duterte sa mga panukalang sumabay siya sa presidential race sa 2016, naniniwala si Ebreo na magbabago ang isip ng alkalde kung marami sa mamamayan ang susuporta rito.

Nakahalubilo ng DPM si Duterte nang bumisita ito sa Bacolod City kamakailan.

National

Maza sa maritime drill ng PH, US, Japan sa WPS: ‘Mas lalo tayong nalalagay sa alanganin!’

Iginiit din ng DPM na bibitaw sila kay Duterte sakaling magpasya itong tumakbo bilang bise presidente at hindi para presidente.

“It’s either presidency or nothing,” giit ni Ebreo.

Naniniwala ang DPM na kapag nahalal si Duterte bilang susunod na leader ng bansa ay tuluyang mawawala ang korupsiyon sa gobyerno at mababawasan din ang kriminalidad sa Pilipinas, lalo na ang problema sa ilegal na droga.

Itinuturing nila na “huling alas ng sambayanan,” sinabi ni Ebreo na malaki ang posibilidad na magagawa ni Duterte ang mga positibong adhikain para sa buong bansa tulad ng nagawa niya sa siyudad ng Davao na ilang taon na niyang pinamumunuan. - Edith B. Colmo