Muling lumutang ang pariralang “chain of command” sa ulat ng Philippine National Police (PNP) Board of Inquiry (BOI) na inilabas noong Biyernes. Anang ulat, nilabag ng Pangulo ang chain of command sa Mamasapano incident kung saan pinatay ang 44 SAF commando.
Sa mga pagdinig kamakailan ng Senado sa insidente, may ilang opisyal, partikular na ang nagbitiw na si PNP chief Director General Alan Purisima, ang nagsabi na ang “chain of command” ay isang terminong militar na hindi nag-a-apply sa isang organisasyong sibilyan tulad ng PNP. Ngunit ang totoo, mayroong chain of command sa PNP at sa lahat ng iba pang organisasyon. Maaari itong tawagin sa iba ng pangalan, tulad ng “line of authority”. Itinatatag nito ang pamamaraan para sa operasyon ng organisasyon. Kapag nilabag ang line of authority, maglulutangan ang lahat ng uri ng problema – gaya nang ginawa nila sa kaso ng Mamasapano.
Sa pagpaplano para sa Mamasapano, nakipagpulong ang Pangulo sa suspendidong PNP chief Purisima – sa halip na sa acting chief na si Deputy Director General Leonardo Espina – at sa SAF chief na si Director Getulio Napeñas. Kalaunan, sinabi ng Pangulo na niloko siya ni Napeñas – “Binola niya ako.” Kung sinunod ang chain of command, may namagitan sa dalawang ito. Naroon sana si Espina na sasala sa anumang hindi malinaw sa komunikasyon – o “bola”, kung mayroon man – mula kay Napeñas.
Noong Sabado, itinanggi ng spokesman ng Malacañang ang BOI Report na nagsasabing nilabag ng Pangulo ang chain of command, iginiit na maaaring magbigay ang Pangulo ng direct orders sa kahit na sinong opisyal ng gobyerno. Sinabi rin ng spokesman na nag-isyu ang Pangulo ng direct orders kay Purisima na makipag-ugnayan kay Espina. Kung gayon, waring mayroon ngang paglabag sa ininatag na line of authority, sapagkat lumilitaw na hindi nakarating kay Espina ang orders ng Pangulo.
Walang dudang may ilang pagkakamali rin ang BOI Report at aasahan nating kukuwestiyunin ng iba’t ibang sektor ang ilan sa findings nito, ngunit isa itong katanggap-tanggap na karagdagan sa pangkalahatang pagsisikap na mabatid ang katotohanan sa malagim na Mamasapano incident. Asamin natin ang mga report mula sa Kongreso, partikular na sa Senate Committee on Public Order sa pangunguna ni Sen. Grace Poe. Nangako siya na magbibigay ang Senate Report ng mga kasagutan sa maraming katanungan ngayon. At maraming katangungan ang hindi pa nasasagot, tulad ng:
Hindi ba ganoon karami ang mga namatay sa grupo ng SAF kung dumating nang mas maaga ang rescue ng militar?
May utos bang mag-“Stand down” o may utos para sa “best effort” upang matulungan ang na-trap na SAF 44, hindi ang isang “rescue at all cost”?
Isa bang paglabag ang Mamasapano operation sa ceasefire ng gobyerno at MILF, na sinasabi ni MILF Chairman Ebrahim Murad?
Inaasahan na pagkaraan ng pitong linggo matapos ang insidente noong Enero 25, nasagot na ang lahat ng isyu ngayon, ngunit waring ayaw mamatay ng kaso, dahil may ilang opisyal ang hindi naging prangka. Mahalagang mailutang muna ang katotohanan at ang mahalaga rito ay ang BOI finding na ang PNP chain of command – o line of authority, na gaya ng nais na tawagin ng ilan – ay hindi sinunod. Ang pagtuturuan kung sino ang responsable o dapat sisihin, ay saka na lang.