Maaari nang matukoy ang antas ng polusyon sa Metro Manila sa pagsisimula ng operasyon ng air quality monitor ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa susunod na linggo.
“Napakalaking problema ang polusyon dito sa Metro Manila at dapat natin itong agad na tugunan. Kung malalaman ng publiko at mga lokal na pamahalaan kung ano ang kalidad ng hangin sa kanilang lugar, malaki ang posibilidad na gagawa sila ng hakbang upang masolusyunan ito,” ayon kay DENR Undersecretary Jonas R. Leones.
Simula sa susunod na linggo, ipatutupad na araw-araw ng DENR ang real time air quality monitoring (AQMN) sa pamamagitan ng www. emb.gov.ph/ambientair.
“Sa ngayon, ang alam lang nila ay may usok, may smog. At kung mabibigyan natin sila ng figures, malalaman nila kung ano ang level ng kalidad ng hangin sa kanilang lugar,” giit ni Leones.
Itinuturing ang air quality bilang “good” kung ito ay ligtas pa; “fair,” na ligtas din; “unhealthy for sensitive groups,” o peligroso sa mga may respiratory disease tulad ng asthma; “very unhealthy,” na dapat iwasan na ng mga pedestrian ang mga lugar na mabigat ang traffic, dapat manatili sa bahay ang mga may sakit sa puso o baga, dapat iwasan na bumiyahe, at iwasan ang paggamit ng mga sasakyan; at “emergency” kung lahat ay dapat manatili sa loob ng gusali na sarado ang bintana at pinto; kapag bawal nang gumamit ng sasakyan maliban kung may emergency; at ititigil ang operasyon ng mga industriya, maliban kung ang mga ito ay may kinalaman sa kaligtasan ng publiko.
Binigyang prioridad ng DENR ang National Capital Region (NCR) sa paglalagay ng 17 AQMN. Ang isang pasilidad ay nagkakahalaga ng P3milyon-P4 milyon.
Ang datos na makokolekta ay ipadadala sa Air Quality Server ng DENR-Environmental Management Bureau para maproseso, at ang resulta nito ay ipapasok sa Ambient Air Quality Databank na masisilip sa website. - Charina Clarisse L. Echaluce