Tulad ng inaasahan, tinanghal na top rookie draft pick ng 2015 Philippine Superliga (PSL) ang Fil-American na si Iris Tolenada na hinablot ng Philips Gold sa ginanap na taunang drafting sa SM Aura.

“When I saw her in the video, I already told my manager to get her immediately,” pahayag ni Philips Gold coach Francis Vicente, na personal na binasa ang pangalan ng manlalaro na mula sa San Francisco State University.

Umaasa si Vicente na malaki ang maitutulong ni Tolenada, kinilala bilang Most Valuable Player sa maaksiyong California Collegiate Athletic Association (CCAA), sa kanyang koponan na nais makabawi sa kampanya nila sa nakalipas na PSL Grand Prix.

“I can say we can be one of the title contender now,” pahayag ni Vicente sa kanyang napili sa nalalapit na kampanya naman sa PSL All-Filipino Cup 2015 na magsisimula sa Marso 22 sa Mall of Asia Arena.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

“Nag-jell agad sila ng teammates niya. I can see her being the heart of my team. Madali siyang turuan at halos parehas kami ng gusto sa loob ng laro,” giit pa ni Vicente. “With her around, maganda ang chances ng team namin na makapasok sa championships.”

Ikalawang pinili ni Vicente sa ikalawang round ay si Desiree Dadang na mula sa National University (NU) sa unang aktibidad ng natatanging liga sa volleyball sa bansa na suportado nina Taguig City Mayor Lani Cayetano at sa pakikipagtulungan nina Cong. Lino Cayetano at SM Management.

Si Tolenada ang unang manlalarong Fil-American na sasabak sa liga at ikalawa lamang sa naging top draft pick matapos kay Dindin Santiago noong nakaraang taon na agad nagpakitang-gilas para sa Petron Blaze Spikers.