Laro ngayon:(Smart Araneta Coliseum)

3:30 pm. Ateneo vs. La Salle

Ikalawang sunod na kampeonato ang target na madagit ng Ateneo de Manila University (ADMU) habang mabawi naman ang titulo ang hangad na matudla ng De La Salle University (DLSU) sa pagbubukas ngayon ng kanilang finals duel para sa UAAP Season 77 women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Matapos makamit ng kanilang men’s squad ang unang UAAP crown, ang Lady Eagles naman ang magtatangkang mag-uwi ng titulo upang makumpleto ang double championship para sa Ateneo.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Taliwas sa nakaraang taon nilang duwelo, nasa panig ngayon ng Ateneo ang lahat ng bentahe.

Para mabawi ang korona, kailangan silang talunin ng tatlong beses ng Lady Archers dahil sa taglay nilang thrice-to-beat advantage matapos ma-sweep ang eliminations.

Nasa Lady Eagles din ang psychological edge makaraang talunin ang Lady Spikers ng dalawang beses sa kanilang head-to-head ngayong season at higit sa lahat, malaking dagok para sa huli ang pagkawala ng kanilang team captain, leader at top spiker na si Ara Galang na nagtamo ng MCL injury sa nakaraang semifinals match nila kontra sa National University (NU).

Gayunman, wala umano silang dahilan para magkampante upang madali nilang makuha ang panalo.

“There should be no room for complacency. Focus is the key,” pahayag ng koponan sa kanilang official twitter account kung saan ay ipinarating din nila ang kagustuhan na sana’y maging maayos ang kalagayan ni Galang at makapaglaro ito sa finals.

Gaya ng dati, tiyak na muling mamumuno para sa tinatarget na back-to-back championship ng tropa ni Thai coach Anusorn Bundit sina team captain at under-23 skipper Alyssa Valdez, setter Jia Morado, Amy Ahomiro, Michelle Morente, Ella de Jesus, rookies Bea de Leon at Jhoanna Maraguinot at libero Denden Lazaro.

Sa panig naman ng Lady Spikers ni coach Ramil de Jesus na may malaking posibilidad na mas maging palaban at gawing inspirasyon ang nangyari kay Galang, aasahan nito ang lakas nina Cyd Demecillo, setter Kim Fajardo, Christine Soyud, Mary Joy Baron, Desiree Cheng, Justine Tiu at Mika Reyes.