Nabulaga ako ng isa kong amiga na matagal ko nang hindi nakikita. Dumalaw siya sa akin sa opisina upang mangumusta. Bukod sa ilang wrinkles sa paligid ng kanyang mga mata at pisngi, may isa pang malaking pagbabago sa kanyang hitsura – ang hikaw at matching singsing niyang fancy. Ito talaga ang ikinagulat ko dahil noon, mahihiligin ang amiga kong ito sa pangongolekta ng alahas (mura at mamahalin) at lantaran niyang isinusuot iyon saan man siya pumaroon. Sa dami ng kanyang mga nakolekta (binili nang hulugan), masasabing kayamanan na niya iyon.
Sa hinaba-haba ng aming kuwentuhan, hindi talaga ako nakatiis. “Bakit fancy yata iyang suot mong alahas?” Napag-alaman ko na nadamay sa sunog ang kanyang bahay at walang natira sa kanya kundi ang suot niyang damit at pares na hikaw na totoong perlas. Sa kamalasang iyon niya nabatid na wala palang halaga ang mga alahas sa ikagaganda ng buhay.
Ang problema lang sa pag-iipon ng kayamanan dito sa mundo ay pansamantala lamang ang mga iyon. Ang ilan sa mga iyon ay madaling masira, tulad ng mga alahas, bahay o salapi. Sa pagnanakaw, sunog, o pagbagsak ng ekonomiya, wala na ang mga iyon. Ngunit nagbabala si Jesus sa mas malalang panganib. Kayang saklawin ang pagtitipon ng materyal na yaman ang ating pag-iisip at damdamin. Ginagawa nating “diyos” ang yaman na ating natipon. “Kung nasaan ang iyong kayamanan,” sabi Niya, “naroon din ang iyong puso.” Ngunit ang kayamanan sa daigdig na ito ay hindi naipagpapalit bilang yaman sa Langit.
Maaari ngang napakalaki ng halaga ng iyong mga alahas, ng iyong mga ari-arian, o bilyon na ang salapi na natipon mo sa bangko, ngunit walang halaga ang lahat ng iyon sa Langit. Mas mainam ang magtipon tayo ng kayamanan sa Langit sa pamamagitan ng paglilingkod sa Ngalan ni Jesus, ang maging tagasunod Niya, ang mamuhay nang moral, may pananampalataya, pag-ibig, at pamumuhunan sa paglilingkod sa kapwa. Ito ang kayamanang hindi nananakaw, nasusunog, at naaagnas.