Nitong mga huling araw, tinatalakay natin ang paksa tungkol sa kahalagahan ng mga rituwal at tradisyon upang magkaroon ng kabuluhan ang ating pamumuhay. Naging malinaw sa atin na ang mga rituwal ang nagbibigay-hugis at koneksiyon sa ating mga araw na higit pa sa sanlinggong pagtatrabaho. Narito ang huling bahagi ng mga paraan upang maisama ang mga rituwal sa ating buhay upang magkaroon ito ng kabuluhan:
- Kapanabikan ang darating pang mga araw. – Bilang karagdagan sa napili mong espesyal na araw tulad ng Binatog Monday at Badminton Friday, kapanabikan ang mas malalaking aktibidad sa malayo pang araw. Maging ito may an ang taunang family picnic o engrandeng pagtitipon ng lahat ng naging girlfriend/boyfriend mo sa buhay, o ang graduation day ng iyong anak na apat na beses umulit ng fourth-year highschool. Kung ano man ang napili mo, tandaan na magplano nang maaga upang maging mas makabuluhan ang pagtatagpo. Tiyakin na iyon ay isang okasyon na personal at naglalarawan ng iyong kagandahang-loob.
- Tapusin ang araw. – Sa paglubog ng araw, gawin ang isang rituwal na magpapakalma sa iyo, burahin ang mga alalahanin, at ihanda ang sarili sa pagpasok sa mundo ng katahimikan at magagandang panaginip. Subukan mong manalangin sa mapagmahal na Diyos upang makatulong sa pagtatanggal ng mga kabiguan at pagod dulot ng isang araw ng pagtatrabaho. Maaari ka ring magbasa upang lalo kang antukin.
- Magpasalamat. – Ito ang rituwal na unang nabubura sa ating systema. Bunga ng pagod at mga alalahanin sa araw-araw, tulog agad tayo kapag nahiga na sa kama; ni wala nang maialay na mga sandali upang manalangin. Ang isa sa pinakaepektibong paraan upang magkaroon ng kabuluhan ang pamumuhay ay ang pagkilala sa lahat ng biyayang natamo mula sa Diyos. Gumawa ka ng listahan ng mga tao, bagay, at damdamin na dapat mong ipagpasalamat, o lumikha ng isang rituwal na maaaring mong ibahagi sa iyong partner bago kayo humilay at matulog. Hindi ba napaka-sweet nitong rituwal bago kayo magsabi ng “sweet dreams”?