Umiskor ng double-double 23 puntos at 11 rebounds si Joshua Canejo habang nag-ambag si Dhen Ferreras ng 19 puntos at 11 rebounds upang pangunahan ang National University (NU) sa 133-49 pagdurog sa Tarlac kahapon sa pagbubukas ng SeaOil NBTC National High School Championships sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Mula sa 31-11 kalamangan sa first canto, pinalobo pa ito ng UAAP Season 77 runner-up sa 101-37 sa third period.

Sa kabilang dako, namuno naman para sa Tarlac si Renz Estabillo na nagtala rin ng double-double 12 puntos at 11 rebounds.

Sa iba pang laro, tinalo naman ng San Beda A ang Lucena sa larong idinaos sa Philsports Arena, 67-55, habang nilampaso naman ng defending champion Chiang Kai Shek College (CKSC) ang Baguio, 115-54.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Namayani naman ang San Beda College B sa isa pang laro na ginanap sa Ynares kontra Laguna, 96-58, habang nagwagi naman sa mga larong idinaos sa Meralco Gym ang Cebu kontra Naga, 100-61. Nagtagumpay din ang Cavite Laban sa Pampanga, 88-86.

Habang sinusulat ang balitang ito ay pormal na binuksan ang ikawalong edisyon ng liga na pinangungunahan ni NU coach Eric Altamirano bilang program director at Samahang Basketbol ng Pilipinas deputy executive director Bernie Atienza bilang panauhing tagapagsalita kasama ang ilang mga kilalang NBTC alumni na sina UAAP Season 77 MVP Kiefer Ravena, NCAA Season 90 MVP Scottie Thompson, Gelo Alolino, Glenn Khobuntin, Von Pessumal, Arnold Van Opstal, Arthur dela Cruz, Mike Tolomia, Troy Rosario at Jeric Teng.