Dumarami ang mga mambabatas, kabilang ang taumbayan, na sumasalungat ngayon sa Bangsamoro Basic Law (BBL) kasunod ng Mamasapano massacre. Maging si Sen. Antonio Trillanes IV na alyado ni Pangulong Noynoy Aquino ang nagsabi sa isang radio interview na ang prosesong pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay baka sa susunod na administrasyon na magkaroon ng kaganapan. Samakatwid, goodbye sa Nobel Prize na pinakakamithi raw ng Pangulo kung kaya “binasbasan” niya ang SAF operation na ang pinamahala ay si suspended PNP Chief Director Alan Purisima.
Paalam sa kapayapaan sa Mindanao, ang Lupang Pangako. Mahirap daw pagkatiwalaan ang mga Moro o Muslim (hindi naman lahat) sa matinong pag-uusap. Remember, nagtiwala rin ang grupo noon ni Army Brig. Gen. Teodulfo Bautista kay MNLF Commander Usman Sali sa mapayapang pag-uusap sa Patikul, Sulu noong 1977. Walang magdadala ng armas.
Sa lugar ng usapan, minasaker ng pangkat ni Usman Sali ang mahigit sa 30 kasamang militar ni Gen. Bautista, ang ama ng noon ay kadete sa PMA na si Emmanuel Bautista, na naging AFP chief of staff sa ilalim ng Aquino administration.Maniniwala ba kayo sa pahayag ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal na hindi nila alam na naroroon sa kanilang teritoryo sina Marwan at Abdul Basit Usman? Kay Hitler mo sabihin iyan!
Lalong pinaiigting ng AFP ang pag-atake laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) at BIFF kasunod ng matagumpay na opensiba ng militar laban sa mga armadong grupo noong nakaraang linggo. Sa utos ni AFP Chief of staff Gen. Gregorio Pio Catapang, sinabi niyang bago siya magretiro ngayong taon, nais niyang mapawi ang kakayahan ng mga bandido sa paghahasik ng karahasan at kaguluhan sa Mindanao.
Batay sa ulat, may 24 tulisang ASG ang napatay at dalawang sundalo ang nasawi sa mga bakbakan nitong nakaraang linggo. May report pang ang lider ng ASG na si Radulan Sahiron ay nasugatan. Tulad ni Marwan, si Sahiron ay may patong na $5 milyon sa ulo ng US government kapag siya ay nahuli o napatay.