ITIGIL ‘YAN! ● May nakapag-ulat na sinabi ng isang kumpanya ng langis na pinasususpinde ng pamahalaan ang lahat ng oil at gas exploration sa pinag-aagawang teritoryo [ng Pilipinas, excuse me!]. Ayon sa Forum Energy, na isang oil ang gas exploration company, inutusan sila ng Department of Energy na ihinto ang kanilang operasyon sa mga lugar na saklaw ng kontrata sa Reed Bank sa West Philippine Sea na malapit sa Palawan.
Iniutos ito ng DOE sapagkat ang lugar ng kanilang operasyon ay saklaw ng teritoryong nasa arbitration process ng United Nations sa pagitan ng China at Pilipinas. Lagpas sa kalahati ang pag-aari ng Pilipino sa Forum Energy, ngunit hindi ito nakaakit ng mga investor dahil nga sa pang-aangkin ng China. Ang pag-aagawan sa napakalawak na West Philippine Sea ay lumolobo nitong nagdaang mga taon. Nagpahayag ng pagkabahala si Pangulong Aquino nang mamataan ang dalawang dambuhalang barko ng China sa Reed Bank ay maaaring masundan ng isang pagtatangkang magtayo ng oil exploration facility sa lugar. Hindi ba na noong 2011, itinaboy ng Chinese marines ang isang exploration vessel ng Pilipinas sa Reed Bank? Nagpapunta ang Pilipinas ng dalawang eroplano ng air force ngunit nakaalis na ang mga Chinese patrol ship bago pa makarating ang mga isinugo sa pinag-aagawang teritoryo. Noong nakaraang linggo, iginiit ng China na ang kanilang aktibidad sa naturang rehiyon ay rasonable at legal. Sana hindi na lang inihinto ang oil exploration ng Forum Energy – isang aktibidad na nagpapatibay na atin talaga ang Reed Bank. na isang durâ lang ang lapit sa Palawan. Ngayong itinigil natin ang oil exploration doon, hindi malayong panghimasukan uli iyon ng China. Ganoon ang kanilang paninindigan na kanila ang Reed Bank na isang durâ lang ang lapit sa Palawan.
***
PINAULANAN NG BOMBA ● Sama-samang air strike ang ginawa ng Amerika at ng mga kaalyado nito laban sa mga militante ng Islamic State sa Syria at Iraq noong Linggo at Lunes. Sa isang pahayag, sinabi ng Joint Task Force na namumuno ng mga air strike operation na tinamaan ila ang isang crude oil collection point sa Dayr az Zawr at isang bunker at tactical unit sa Kobani, parehong sa Syria. Sa Iraq, tinamaan ng air strikes ang tactical units. Checkpoints, fighting positions na malapit sa Al Asad, Bayji, at Kirkuk. Napasabog din ang ilang barko at behikulo ng IS. Hindi na madadala sa mabuting pakikipag-usap ang IS, kasi nga bulag at bingi na sila sa kanilang baliw na pananampalataya. Wala nang ibang paraan upang makamit ang kaayusan at kapayapaan kundi ang kontrahin ng karahasan ang mga manghahasik ng karahasan.