Aabot sa 700 bahay ang naabo sa sunog na naganap sa Parola Compound sa Tondo, Manila simula pa kamakalawa ng gabi at naapula lamang kahapon ng umaga.

Samantala, ilang oras matapos na maapula ang naturang sunog ay isang malaking apoy na naman ang sumiklab sa lugar kahapon ng tanghali habang isinusulat ang balitang ito.

Ayon sa Manila Fire Department, tinatayang nasa 700 bahay ang natupok sa unang sunog at apektado ang mahigit 1,000 pamilya, na mula sa Barangay 275 sa District 3, ng Parola Compound.

Lumilitaw sa ulat ng Manila Fire Department na dakong 6:00 ng gabi ng Lunes nang magsimula ang sunog at mabilis na kumalat sa iba pang kabahayan na gawa sa light materials at nakatirik sa mahigit isang libong hektaryang lupain na pagmamay-ari ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Umabot ang sunog ng general alarm at naideklara lamang fire out pasado 6:23 ng umaga nitong Martes.

Nabatid na nahirapan ang mga bumbero na apulain ang apoy dahil bukod sa walang hydrant na mapagkukunan ng tubig sa lugar, matindi rin ang trapik at maraming tao sa kalsada.

Sinasabing sa bahay ng isang Edgar Angapo nagsimula ang sunog, bunsod ng isang nag-short circuit na electric stove ngunit iniimbestigahan pa ito ng mga awtoridad.

Ang mga residenteng nawalan ng tahanan ay kasalukuyang nanunuluyan sa Delpan sports complex, Baseco covered court, Delpan evacuation center at Parola barangay hall, habang ang iba naman ay nagsibalikan sa kanilang mga tahanan.