CAMP PRESIDENT QUIRINO, Ilocos Sur – Limang tauhan ng Philippine Army ang kumpirmadong nasawi habang limang iba pa ang nasugatan nang tambangan sila ng mga armadong lalaki na hinihinalang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Namitpit, Quirino, Ilocos Sur noong Huwebes ng gabi.

Sinabi kahapon ni Supt. Leland Benigno, tagapagsalita ng Ilocos Sur Police Provincial Office, na ang mga nasawi at nasugatang sundalo ay pawang miyembro ng 81st Infantry Batallion na nakabase sa Barangay Bugbuga, Santa Cruz, Ilocos Sur.

Napaulat na lulan ang mga sundalo sa isang truck na kabilang sa convoy ng Ilocos Regional Public Safety Battalion (RPSB) at Provincial Mobile Company (PMC) nang bigla silang pagbabarilin ng mga hinihinalang NPA, na agad na ikinamatay ng limang sundalo.

Nagawa namang gumanti ng atake ng iba pang sundalo at mga kasamang pulis hanggang sa magsitakas ang mga rebelde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ang convoy ng Army at pulisya ay patungong Cervantes matapos silang magsagawa ng limang-araw na patrol operation sa kabundukan ng Quirino kasunod ng panununog sa hindi gumaganang equipment ng South Ocean Mining Corporation sa Sitio Sinagaban, Barangay Patungcaleo, Quirino noong Pebrero 19, 2015,” sabi ni Benigno.

Una nang inamin ng mga kasapi ng Antonio Licaoen Command ng NPA na kumikilos sa Benguet, Abra, Mountain Province at Ilocos Sur na sila ang responsable sa panununog ng gamit ng mining company, ikinatwirang binalewala ng kumpanya ang panawagan ng mga residente na itigil na ang pagmimina sa lugar dahil nakapipinsala ito sa kalikasan.