Hindi kuntento si Chief of Staff Gen. Catapang sa mga imbestigasyon ginaganap ukol sa Mamasapano massacre lalo na iyong katatapos pa lang na ginawa ng senado. Kasi, bago siya sumagot sa mga katanungan sa pagdinig ng senado noong nakaraang Martes, nagbigay siya ng maigsing pananalita. Hinihiling ko, wika niya, na magkaroon ng isang hiwalay at patas na imbestigasyon.

Bakit hindi ba patas ang imbestigasyong isinagawa ng senado? Marahil nga hindi, dahil hindi naibigay ni Gen. Catapang at mga opisyal ng mga sundalo ang tunay na nangyari na may kaugnayan sa ginawa ng mga sundalo para tulungan ang mga naipit na SAF trooper. Kasi sa bawat kampo na napuntahan ko, wika niya, sinasalubong ako ng hinanakit ng mga sundalo namin na kami pa ang nasisisi sa pagkamatay ng mga SAF member gayong ginawa namin ang aming makakaya para matulungan sila. Maaaring ito ang nais linawin ni Gen. Catapang sa hiwalay na imbestigasyong hinihiling niya na malaya niyang maihahayag sa publiko.

Mahirap makita ng mamamayan ang buong pangyayari sa imbestigasyong ginawa ng senado. Kapag apektado ang nais nitong protektahan, iniipit ang impormasyon sa executive session. Ganito ang ginawa nito sa impormasyong nais sanang ilabas ni Sen. Recto sa katatapos nitong imbestigasyon. Nais niyang malaman ang naiulat na partisipasyon ng mga Kano sa operasyon. May naging bunga aniya ang imbestigasyon ukol sa eroplanong nakitang lumilipad sa lugar ng bakbakan? Sino ang nagbigay at kanino ibinigay ang pinutol na daliri ni Marwan? At sino ang nakakuha ng apat na milyong dolyar na nakapatong sa ulo nito? Ikinulong ang mga kasagutan sa mga tanong na ito ni Sen. Recto sa executive session.

Palabasin man ang mga ito ng senado ay inayos na tulad ng pag-aayos sa mga text message sa pamamagitan nina Pangulong Noynoy, Purisima, DND Sec. Gazmin at DILG Sec. Roxas upang kahit paano ay mapalabo ang nagawang pagkakamali ng Pangulo.

Sen. JV walang tinatanaw na 'utang na loob sa UniTeam: 'I was boosted out of the line up!'

Kulungan ng katotohanan ang executive session.