Q: Ang pagtulog ay ang panandalian o kumpletong pagiging unconscious ng katawan upang mapanatili itong malusog at maging alerto. Habang natutulog, karamihan sa mga organ system ng ating katawan ay sumasailalim sa mataas na anabolic state, na nakabubuti naman para sa growth at rejuvenation.
A: Naaayon sa edad ang ating pangangailangan ng tulog. Upang malaman kung gaano katagal na tulog ang kailangan ng iba’t ibang age group, kumonsulta ang non-profit organization sa United States na National Sleep Foundation (NSF) sa anim na sleep experts at 12 iba pang medical experts. Pinag-aralan ng nasabing panel ang 312 scientific articles tungkol sa sleep duration sa malusog na pangangatawan ng human subjects na naisulat sa peer-reviewed journals mula 2004 hanggang 2014. Ayon sa kanilang pagsusuri, nagkasundo ang mga eksperto sa rekomendasyon ukol sa pagtulog:
• Infants (apat na buwan hanggang 11 buwan): 12 hanggang 15 oras
• Toddlers (isang taon hanggang dalawang taon): 11 hanggang 14 oras
• Preschoolers (tatlong taon hanggang limang taon): 10 hanggang 13 oras
• School-Age Children (anim na taon hanggang 13 taon): siyam hanggang 11 oras
• Teenagers (14 taon hanggang 17 taon): walo hanggang 10 oras
• Young Adults (18 taon hanggang 25 taon): pito hanggang siyam na oras
• Adults (26 taon hanggang 64 taon): pito hanggang siyam na oras
• Older Adults (65+): pito hanggang walong oras
Bilang karagdagan, binigyang pansin ng mga eksperto ang pagkakaiba-iba ng mga indibidwal sa magkakaparehong age group sa kanilang pangangailangan ng tulog. Ayon sa NSF, ang karagdagang isa hanggang dalawang oras na tulog na kanilang inirekomenda ay “may be appropriate” para sa iba.
Mapapansin sa table na ang haba ng pagtulog na kailangan ng isang indibidwal ay kakaunti lamang ang diperensya kumpara sa matatanda. Bakit nga ba mas kakaunting tulog ang nakukuha ng matatanda kumpara sa mga nakababata? Naipaliwanag ito ng pagkakaiba ng sleeping patterns na nagaganap sa magkakaibang age group.
Mayroong dalawang uri ng pagtulog: ang rapid eye movement (REM) at non-REM (NREM). Nakabatay ang REM na pagtulog sa mabilis na pag-ikot ng mata. Ang NREM naman ay may apat na stages na hindi nakabatay sa galaw ng mata.
Ang pagtulog ay mayroong tinatawag na cyclical pattern. Sa isang tipikal na gabi, ang isang normal adult ay pumapasok na NREM na pagtulog. Siya ay dumadaan sa una at pangalawang bahagi ng NREM, o ang magaan na pagtulog, pagkatapos ay susundan ng ikatlo at ikaapat na bahagi o ang malalim na pagtulog. Pagkaraan nito ay muling gagaan ang pagtulog, dadaan sa REM at mananaginip. Ito ay madalas nagaganap sa pagitan ng 90 hanggang 110 minuto. Dahil dito, nagkaroon ng apat hanggang anim na REM period sa pagtulog bawat gabi. 20 hanggang 25 porsyento ng tulog ay sumasailalim sa REM, 50 hanggang 60 porsyento naman ay napupunta sa una at ikalawang bahagi ng NREM, at ang natitira ay binabahagi ng ikatlo at ikaapat na bahagi ng NREM.
Ang cyclical pattern ng pagtulog ay naaayon sa edad. Ang mga nakababata ay madalas sumasailalim sa ikatlo at ikaapat na bahagi ng NREM, o malalim na tulog. Habang tumatanda, pakunti ng pakunti ang oras ng malalim na pagtulog. Ang mga nakatatanda naman, lalo ang kalalakihan, ay kakaunting oras lang ang inilalagi sa NREM, kaya madali silang naa-arouse sa kanilang pagtulog.
Dahil dito, ang mga nakatatanda ay itinuturing na ‘light-sleepers.’ Madalas silang magising nang maaga at madalas nagpapaikut-ikot sa kama. Sa kalahatan, kakaunti lamang ang pagkakaiba ng haba ng kanilang tulog kumpara sa young adults.
Madali lang masabi kung ikaw ay nakakakuha ng sapat na tulog – magaan ang iyong pakiramdam buong araw. Ngunit kung natatamo mo naman ang inirekomendang haba ng pagtulog para sa iyong age group pero tila kulang pa rin ito para sa’yo, maaari kang kumonsulta sa isang physician o sa sleep professional ukol sa ganitong uri ng problema. - Yahoo News/ Health