Patay ang isang carnapper makaraang makipagbarilan sa mga awtoridad na huhuli sa kanya sa Caloocan City, noong Martes ng hapon.

Agad na nasawi si Jesus Betchaida, nasa hustong gulang, umano’y pinuno ng Betchaida robbery- carnapping group, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa pahayag ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, dakong 2:00 ng hapon nang nakatanggap sila ng impormasyon na namataan si Betchaida sa Phase 9 sa Bagong Silang.

Bumuo ng grupo ang Anti-Carnapping Unit ng North Extension Office ng Caloocan Police, sa pangunguna nina PO3s Renen Malonzo, Ronaldo Ambatang, Manny Astero, Eduardo Tuliao Jr., PO1 Eugener Paran at PO1 Eshrappel Mulao, at sinalakay ang pinagtataguan ng suspek.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Pinalibutan ng mga pulis ang kinaroroonan ng suspek at pilit itong pinasusuko pero nanlaban umano ang huli kaya pinaputukan ng mga pulis.

Positibong kinilala si Betchaida ng tatlong operator ng taxi na siyang tumangay sa kani-kanilang unit. Pinagpipira-piraso ang mga piyesa ng sasakyan para ipagbili sa mga probinsiya, gaya ng Bulacan at Pampanga.

Nabatid na ang grupo ng suspek ang responsable sa pangangarnap sa Northern Metro area.