Kung mayroon mang makapupukaw sa atensiyon ng sambayanan palayo sa isinasagawang Mamasapano investigation, ito ay ang laban ni Pacquiao – kahit anong laban ni Pacquiao.

Kung ang laban ay kay undefeated champion ng Amerika na si Floyd Mayweather, hihinto ang lahat ng labanan sa Mindanao. Lahat ng debate sa kung sino ang dapat sisihin sa masaker ay maisasantabi. At ang lahat ng Pilipino ay magiging kaisa ng buong sports world sa panonood ng pinakamalaking laban sa kasaysayan ng boxing.

Si Mayweather, na undefeated sa 47 laban, ay nag-anunsiyo noong Sabado na mangyayari na ang matagal nang pinakahihintay na laban sa Mayo 2 sa MGM Grand Hotel sa Las Vegas, Nevada. Ito ang laban sa sports world na matagal nang inaabangan noon pang limang taon na ang nakararaan, nang lumutang sina Pacquiao at Mayweather bilang pinakamakukulay na pigura sa daigdig ng boxing.

Sa loob ng maraming taon, si Mayweather, na isang master defensive fighter, ay parang umiiwas kay Pacquiao, na isang kaliweteng kampeon sa walong weight division na may matinding bilis ng kamao. Masasabing aksidente na nagkita ang dalawa sa courtside ng isang basketball game ng Miami Heat sa Florida noong nakaraang buwan. Dahil wala naman ang kani-kanilang trainer at mga abogado at iba pang backer, nagkaroon ng kasunduan ang dalawa. At sa wakas, matutuloy na ang labanan.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Matindi ang atraksiyon ng isang Pacquiao-Mayweather fight kung kaya ang MGM Grand Hotel, na may 6,800 silid, ay nag-anunsiyo na kinapos sila ng mga silid para sa publiko. Garantisadong tatanggap si Mayweather ng $120 milyon para sa laban; $80 milyon naman ang kay Pacquiao. Magkakaroon ng karagdagang kita mula sa pay-per-view ng mga manonood. Ito ang pinakamayamang labanan sa kasaysayan.

Ang salapi, siyempre, ay bahagi lamang ng istorya. Si Manny Pacquiao ay naging bayani na para sa atin, na nagsikap mula sa hindi kilala sa kanyang tinubuang General Santos City. Hindi na nagpatuloy ng pag-aaral dahil sa kahirapan. At sa edad 14, nagtungo ng Maynila, namuhay minsan sa lansangan. Nang 16 anyos na siya, na may timbang na 98 pounds at taas na 4 feet, 9 inches, naging professional, nagtagumpay sa una niyang laban noong 1995, at hindi na siya lumingon sa pinanggalingan mula noon.

Kaya sa Mayo 2, lalaban si Pacquiao sa pinakamatinding digmaan niya sa ring sa kanyang career. Sa iisang laban niyang iyon, kikita siya ng $80 milyon o P3.54 bilyon. Ngunit higit pa sa higanteng premyo, makikipaglaban si Pacquiao para sa kanyang bansa, para sa kapwa niya Pilipino. Sa kanila, siya ay hamak na pulubi na naging matagumpay, na umangat mula sa karukhaan sa bayan niya sa Mindanao hanggang sa pinakamatataas na antas sa daigdig ng boxing. Higit pa sa kahit sinong opisyal, siya ang mukha ng ating bansa sa harap ng buong daigdig.

Siya ang nag-iisang hindi kailanman huminto sa pakikipaglaban sa kabila ng lahat ng kahirapan at lahat ng dusa sa buhay. Manalo o matalo, siya ang kampeon ng bansa sa Mayo 2. At ipaghihiyawan natin ang kanyang tagumpay.