Kailangang pumasok sa kani-kanilang pinagtatrabahuhan ang mga kawani sa pribado at pampublikong kumpanya bukas, Pebrero 25, sa paggunita ng ika-29 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, ayon sa Malacañang.

Nilinaw ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na ang Pebrero 25 ay special holiday para lang sa mga paaralan sa bansa at mananatiling isang working day para sa mga empleyado.

“Batay sa Proclamation No. 831 na inilabas noon pang Hulyo 2014, ang darating na ika-25 ng Pebrero ay may pasok para sa lahat. Ang holiday o walang pasok ay para lamang sa lahat ng mga mag-aaral o estudyante ,” pahayag ni Coloma.

“‘Yon po ang paglilinaw natin, ‘yon po ay school holiday lang po, hindi apektado ang trabaho sa February 25. Regular working day po ‘yon,” dagdag niya.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Sa pagdedeklara sa EDSA Day bilang school holiday, sa bisa ng Proclamation No. 831, ipinagmalaki ng Pangulo ang bloodless revolution na kinilala sa buong mundo matapos itong magbigay-daan sa reporma sa pulitika, panlipunan at ekonomiya sa bansa.

Sa pamamagitan ng rebolusyon na sinuportahan ng milyung-milyong mamamayan, matatandaan na napatalsik ang 20-taong diktadurya ng rehimeng Marcos at naibalik ang demokrasya sa bansa. Ito rin ang pagkakataon na nailuklok sa puwesto si Pangulong Corazon C. Aquino, ang yumaong ina ni Pangulong Benigno S. Aquino III at maybahay ng napaslang na senador na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. - Genalyn D. Kabiling