Lumalakas ang kilusang nananawagang magbitiw na si Pangulong Noynoy. Nagsamasama na naman ang mga civil society group, militanteng grupo at ilang mga taga-Simbahan sa layuning ito. Ang tiyuhin ng Pangulo na si Peping Cojuangco ay nais rin ang pagbabago ng liderato sa ating gobyerno, pero hindi sa publiko niyang sinasabi na siya ay para rin sa pagbibitiw ng kanyang pamangkin.

Kapag pinagre-resign natin ang Pangulo, wika niya, ang pinag-uusapan natin dito ay pagbabago ng rehimen. Hindi lang aniya ang Pangulo ang magbibitiw kundi maging si VP Binay at iba pang mga opisyal. Ipinagdiinan niya na ito ay hindi kilusan para sa kudeta. Walang sinasabing ganito ang mga maingay na nananawagang magbitiw na ang Pangulo. Pinagbibitiw nila ito dahil pinapanagot siya sa nangyaring “Operation Exodus” na ikinamatay ng 44 na SAF trooper.

Sa pakiwari ko ay may nararamdaman na ang Palasyo na paggalaw mula sa hanay ng militar. Kung wala, bakit malikot nang umiikot sa mga kampo si Gen. Catapang? Bakit sa panahong ito ay kailangang ipakita sa bayan ng mga pinuno ng mga pulis at sundalo na sila ay nagkakaisa? Ano ang layunin ng homecoming ng mga nagtapos sa Philippine Military Academy? Alangan namang kumustahan lang ng mga Mistah ang naganap dito.

Mahirap iugma ang layuning ito sa masakit na naramdaman hindi lamang ng mga kamag-anak ng mga namatay na pulis kundi maging mga pulis at sundalo, opisyal man o hindi, nasa serbisyo man o retirado, na ang sanhi ng kanilang kamatayan ay walang paggalang na sa kanilang kaligtasan at sa chain of command.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Kahit sino ay puwedeng mamuno na sa madugong operasyon na walang pakialam sa kapwa niya na nasa serbisyo. Kahit suspendido ay puwedeng ipagkatiwala sa kanyang kamay ang buhay ng kahit sino basta malapit lang sa Pangulo.

Kaya ang namumuong kilusan sa pagkadismaya ng mga pulis at militar sa Pangulo ay inililigaw lamang ni Cojuangco. Kahit sino ay alam naman na ang kanyang ninanais ay hindi mangyayari. Panggulo lang ito.