Maaaring magsagawa ng kilos-protesta bukas ang mga guro sa mga pampublikong paaralan subalit hindi ito dapat na makaabala sa klase ng mga estudyante, ayon sa isang opisyal ng Malacañang.

Iginiit ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na dapat isaalang-alang ng mga guro ang kapakanan ng mga estudyante kung itutuloy nila ang pagsasagawa ng protesta ngayong linggo.

Una nang inihayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na magsasagawa ang mga miyembro nito ng sit-down strike upang igiit sa gobyerno na itaas ang kanilang suweldo dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Bukod dito, nananawagan din ang ACT sa pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Benigno S. Aquino III, na binansagan nilang “Teachers’ Enemy No. 1.”

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

“Nirerespeto po natin ang kanilang pagpapahayag ng saloobin at ang kanilang karapatang magsagawa ng mga kilos-protesta,” pahayag ni Coloma sa panayam sa DzRB Radyo ng Bayan.

“Sana lang po ay hindi maapektuhan ‘yung pagtuturo sa mga mag-aaral at ‘yung pagkatuto ng ating mga estudyante,” dagdag niya.

Nang magsagawa ng kilos protesta ang mga guro sa Batasan Pambansa sa Quezon City noong Oktubre ay nangako ang Malacañang na makikipagtulungan sa Kongreso upang tugunan ang kahilingan ng mga teacher sa panibagong salary increase.

Subalit matapos ang ilang araw ay sinabi ng Malacañang na hindi muna magpapatupad ng dagdag-sahod ang gobyerno para sa mga guro dahil na rin sa kakulangan sa pondo. - Genalyn D. Kabiling