Matapos sumalpok sa isang pribadong sasakyan ang isang bus ng First North Luzon Transit, Inc. sa Pampanga nitong Enero, pinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw na preventive suspension ang 20 bus ng kumpanya.

Ito ay matapos lumitaw sa imbestigasyon ng LTFRB na reckless driving ng FNLTI bus na may plakang TXS-496 ang pinag-ugatan ng aksidente na nangyari sa southbound lane ng North Luzon Expressway sa Barangay San Juan, Apalit, Pampanga noong Enero 4.

Sugatan ang driver at mga pasahero ng isang pribadong sasakyan nang salpukin ng North Luzon Transit bus, ayon sa ahensiya.

Pinagkokomento rin ni LTFRB Chairman Winston Ginez ang bus company kung bakit hindi dapat bawiin o kanselahin ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito bunsod ng insidente.

Pagdagsa ng mga pasahero sa PITX, inaasahang papalo ng 3 milyon ngayong holiday season!

“The Board will not tolerate reckless driving of public transport services that will put the lives or properties of the public, whether passengers or pedestrians, in danger,” ayon kay Ginez.

Tiniyak ni Ginez na hindi nag-atubili ang ahensiya na gamitin ang kapangyarihan nito upang suspendihin ang operasyon ng 20 bus ng FNLT habang dinidinig pa ang kaso dahil ang kaligtasan ng mga pasahero ang malalagay sa kompromiso.