Sapat ang pondo ng Metro Rail Transit (MRT) kaya hindi na kailangan pang magtaas ng pasahe, bukod sa may pondo pa silang hindi nagagastos.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, sapat ang P2.25 million farebox income ng MRT na pUwedeng ipambili ng hand straps upang hindi matumba ang mga pasahero.

“Sabi ng isang MRT spokesman, ipoproseso pa nila ang pagbili ng hand straps. Subalit noong nakaraang taon ay kasama na iyon sa kanilang procurement program na ipinasa sa Senado, kung band-aid solution lang na tulad ng hand straps ay mahirap mailagay, paano pa kaya kung mga bagon at riles na ang pag-uusapan?” wika ni Recto.

Aniya, nakasaad naman sa 2015 national budget na ang P2.25 million para sa hand strap ay sa farebox nila kukunin at hindi sa ano pa mang pagkukunan ng pondo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Tinatayang aabot sa P1.1 bilyon ang kikitain ng MRT matapos na itaas ang pasahe nito mula sa P10 hanggang P11 at dagdag na P1.00 naman sa bawat kilometro.

Aniya, magkakaroon din ng P7.23 bilyong pondo ang MRT mula sa direct subsidy sa national government, na P2.57 bilyon dito ay para sa MRT-3 rehabilitation and capacity expansion at P4.66 billion para sa rider subsidy.

“There is also P18.4 billion in the Unprogrammed Fund section of the 2015 national budget which can be tapped for MRT-3 rehabilitation and capacity expansion (P7.4 billion); payment of taxes of MRT-3 Build-Operate-Transfer contract (P6.5 billion); and P4.4 billion for the equity buy-out of the MRT Company,” giit pa ni Recto.

Nais naman ni Senator Joseph Victor Ejercito na ibalik sa dati ang pamasahe ng MRT at LRT sa gitna ng sunud-sunod na aberya ng mga tren nito at nakasakit na ng ilang pasahero.

Kahapon, tatlong tao ang iniulat na nasaktan nang biglang huminto ang tren ng MRT sa pagitan ng estasyon ng Cubao at Santolan. Mula Lunes, sunud-sunod na nagkaaberya ang mga bagon ng tren na nagdulot ng mahabang pila ng pasahero, lalo na sa rush hours.

“Marapat lamang na ibalik na sa dating presyo ang pasahe ng MRT at LRT. Ang serye ng problema ng pag-iral sa operasyon ng MRT ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit hindi talaga makatuwiran ang pagtataas ng pasahe nito. Malaon na nating ipinapahayag na mas makabubuti na sana na unahin muna ng pamahalaan ang pag-invest para sa pagtitiyak na maging maayos ang serbisyo ng lahat ng MRT at LRT lines bago magkaroon ng dagdag-pasahe,” ayon kay Ejercito.

Dismayado rin si Ejercito kay MRT General Manager Engr. Roman Buenafe sa naging paliwanag nito sa naging aberya ng tren na nakasakit ng ilang pasahero.