Bago ang Mamasapano incident, waring mabagal na tinatahak ng peace agreement ng gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang isang landas na plinanong mabuti ng administrasyon.
Ang kasunduan ay nilagdaan ng mga negosyador sa isang masayang seremonya sa Malacañang noong Hulyo, at si Malaysian Prime Minister Najib Razak ang isa sa mga saksi. Nagkaroon ng aberya ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) bunga ng pagrepaso ng mga opisyal ng Malacañang at nirebisa ang ilang probisyon nito sa pinagdududahang konstitusyonalidad. At pagkatapos, inihain ito sa mga leader ng Kongreso sa isa pang seremonya sa Malacañang noong Setyembre.
Sapagkat nagdeklara ang mga opisyal ng MILF na hindi dapat magkaroon ng pagbabago sa panukalang batas, sinabi ng mga leader ng Kongreso na hindi maiiwasan ang ilang pagbabago. Nagkaroon ng mga pagtutol sa ilang probisyon, partikular na sa larangan ng depensa at seguridad, buwis at pagbabahagi ng yaman, at ang Bangsamoro system of government. Malinaw na naghahanda ang mga leader ng gobyerno para sa isang paghamon sa konstitusyonalidad ng BBL sa Supreme Court.
Ngunit tiwala ang Malacañang at ang mga kaalyado nito sa Kongreso na maipapasa ang bill. At pakiramdam ng publiko na umuusad ang lahat na naayon sa schedule.
At nangyari ang Mamasapano. Apatnapu’t apat na Special Action Force commando ng Philippine National Police ang minasaker – karamihan doon sa brutal na paraan – ng mga fighter na nakilalang mga miyembro ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Ang lahat ng usapin sa BBL ay huminto sa Kongreso, habang walong hiwalay na grupo ang nagsasagawa ng mga imbestigasyon sa kung ano ang totoong nangyari.
Ngayon nagtatanong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte kung may backup plan ang pambansang pamahalaan kung sakaling magiba ang peace process. Hindi uusad ang BBL sa Kongreso sa loob ng maraming linggo o buwan. Hindi na masusunod ang timetable para sa pag-apruba nito. Nagiging mas malinaw na ang mga indikasyon ng namumuong karahasan sa Central Mindanao, ayon pa sa mayor.
Agad nang kailangan ang isang Plan B, aniya. Maaaring isama rito ang mga areglo para sa isang mataas na estado ng kahandaan ng militar, ngunit laan dapat ito para sa MILF pati na rin sa Christian vigilante groups na naiulat na naghahanda na ngayon para sa isang labanang inaasahan nilang sumiklab anumang oras. Hayaang magpatuloy ang mga imbestigasyon sa Mamasapano, ngunit kasabay nito ang mas pinaigting na pagsisikap na maiwasan ang mga bagong pagsiklab ng karahasan sa panahong ito nang walang katiyakan.