Sinabi kahapon ng tagapagsalita ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) na may ipinakita sa kanyang litrato ang mga tauhan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ng isang lalaking “white” na kabilang sa mga napatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, na inilunsad ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) noong Enero 25.

Ikinuwento ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFM at BIFF, sa may akda ang tungkol sa litrato ng bangkay ng isa sa mga nakaengkuwentro ng grupo na natitiyak niyang hindi Pilipino.

“Pagkatapos ng labanan, sa pag-uwi ng mga tao ko, ipinakita sa akin ng isa sa kanila ang litrato ng isang maputi a mama (isang lalaking caucasian). Malaki siya at matangkad, hindi siya mukhang Pilipino,” ani Mama.

Sinabi niyang hindi niya makukumpirma na Amerikano ang lalaki, pero tiyak siyang hindi ito Pilipino.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Sa totoo lang, may usap-usapan sa Mamasapano, na hindi ko rin naman makumpirma, na may apat na white man na napatay sa labanan,” sabi pa ni Mama.

Samantala, sinabi rin ni Mama na walang plano ang BIFM at BIFF na maghasik ng kaguluhan sa Metro Manila. “Malabo ‘yan, ‘di yan madaling gawin. Kung gusto talaga naming gawin, puwede naman dito sa Mindanao,” aniya, idinagdag na ang kumakalat na mga text message sa Mindanao at sa Metro Manila ay pakana ng mga makikinabang sa karahasan.

Aniya, may mga taong kumikita sa digmaan at sa pagkamiserable ng mga Moro sa Mindanao.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ng isang leader ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ayaw pangalanan na walang iniulat ang mga miyembro nilang nakaengkuwentro ng SAF tungkol sa sinumang Amerikano na nakibahagi sa sagupaan.

Bukod sa 44 na SAF, nasawi rin sa nasabing engkuwentro ang 18 mula sa MILF at anim na sibilyan.