Hinikayat ng Department of Justice (DoJ) ang mga telecommunications na maglagay ng “kill switch” sa mga smart phone upang hindi na ito pakinabangan ng mga magnanakaw.

Upang maproteksiyunan ang kani-kanilang subscriber laban sa mga naglipanang cell phone snatcher, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na mahalaga na magkabit ng “kill switch” o activation lock ang mga telecom.

Ang kill switch ay isang software na awtomatikong nagbubura sa mga personal na impormasyon na naka-save sa isang mobile phone kapag nanakaw ito, kaya hindi na ito maaaring magamit o ma-reprogram.

Sinabi pa ni De Lima na wala pa ring naipapasang batas ang gobyerno para obligahin ang mga telecom company na maglagay ng kill switch bilang regular feature sa mga mobile phone.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Responsibilidad ng mga telco, bilang mga public utility, na tumulong sa pagsugpo ng krimen, at tiyakin na ang teknolohiya ay nagagamit para sa katahimikan at kaayusan at hindi sa krimen,” saad sa pahayag ng kalihim.

Ayon pa kay De Lima, matagal na ring ginagamit ang kill switch ng mga telco sa ibang bansa.

“It is a common sense solution to a specific type of crime. Commuters and consumers who work hard and save for their phones only to be victimized by criminals will benefit from a small effort from our telcos,” ayon kay Assistant Secretary Geronimo Sy ng DoJ.

Base sa ulat, sinabi ni De Lima na malaking tulong ang mga kill switch sa pagbaba ng bilang ng mga insidente ng pagnanakaw ng mamahaling iPhone sa San Francisco, New York at London.

Sa loob ng 12 buwan matapos maipatupad ang Activation Lock noong Setyembre 2013, bumaba ng 40 porsiyento ang mga ninakaw na iPhone sa San Francisco, 25 porsiyento sa New York at 50 porsiyento sa London.

Sinabi sa isang news report na mismong si San Francisco District Attorney George Gasco ang nagsabi na malaking tulong ang paglalagay ng kill switch laban sa iPhone snatching sa kanilang siyudad.