Nasiguro na ng nakaraang taong runner-up na Ateneo ang isa sa top two spots, bukod pa na may kaakibat na twice-to-beat advantage, papasok sa Final Four round ng men's division ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.

Muling ginapi ng Blue Eagles ang Green Spikers sa loob ng tatlong sunod na sets, 25-17, 27-25, 25-21 kahapon sa second round ng elimination.

Dahil sa panalo, tumatag ang Ateneo sa pamumuno na taglay ang barahang 11-2 (panalo- talo).

Umiskor si William Marasigan ng 14 puntos na kinabibilangan naman ng 10 hits at 3 aces para pangunahan ang nasabing panalo ng Blue Eagles.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nag-ambag naman ng 13 puntos ang reigning MVP na si Marck Epejo sa nasabing panalo na nagbaba sa napatalsik nang Green Spikers sa ika-10 nitong pagkatalo sa 13 mga laro.

Una rito, pinaigting ng University of Santo Tomas (UST) ang labanan para sa ikalawang puwesto nila ng Adamson University (AdU) nang tumabla sila sa barahang 10-3 (panalo-talo) matapos ang naitalang 25-12, 28-26, 25-21, tagumpay kontra sa University of the Philippines (UP) na bumagsak naman sa barahang 4-9.

Umiskor si Mark Gil Alfafara ng 16 hits at 2 aces habang nagdagdag si Romnick Rico ng 11 hits para pamunuan ang naturang panalo ng Tigers.

Para naman sa Maroons, tumapos na top scorer si Alfred Valbuena na nagsalansan ng 14 puntos.