Muling nagpatupad ng big-time price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa kahapon ng madaling araw.
Epektibo12:01 ng madaling araw ng Martes nagtaas ang Shell ng P1.50 sa presyo ng kada litro ng diesel at P1.15 naman sa gasolina at kerosene nito.
Hindi naman nagpahuli ang Petron at Seaoil sa ipinatupad na parehong dagdag-presyo sa petrolyo bandang 6:00 ng umaga.
Sumunod sa katulad na price increase sa diesel at gasolina ang Total Philippines at Phoenix Petroleum.
Ang bagong dagdag-presyo sa petrolyo ay bunsod ng pagtaas ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Ito ang ikalawang big-time oil price hike ngayong Pebrero na ipinatupad ng mga kumpanya at noong Pebrero 10 may umentong P2.40 sa presyo ng gasolina,P1.90 sa diesel habang P2.15 sa kerosene.
Samantala, ilang motorista ang nagkumahog at dumiskarte sa pagpapakarga ng petrolyo sa kanilang sasakyan bago ang nasabing malaking oil hike.
Ngayong Miyerkules, magmamartsa ang mga miyembro ng Pagkakaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) sa tanggapan ng Shell sa Valero St. Salcedo Village, Makati upang ikondena ang bagong oil price hike.
Giit ni George San Mateo, presidente ng PISTON, ito na ang ikalawang linggo ng magkakasunod na price hike kaya umabot na sa P3.05 ang itinaas sa presyo ng gasolina at P3 naman sa diesel.
Gayunman nasa P29 ang presyo ng kada litro ng diesel samantalang P38 hanggang P39 ang gasolina na mabibili sa mga gas station sa Metro Manila.