Ang pinakahuling mga biktima ng pamumugot ng Islamic State (IS) ay ang 21 Egyptian Coptic Christian na dinukot mula Sirte, Libya noong Disyembre 2014, at pinugutan sa isang video na ini-release noong Linggo. Nagdeklara si Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi ng pitong araw ng pagdadalamhati at nangakong na tutugon ito “in a suitable way and time”.

Ang Coptic Christians ay isang sinaunang minority group sa Egypt, na nag-ugat sa Apostol at Ebanghelistang si San Marcos sa kalagitnaan ng unang siglo. Gayong ang Coptic Christians ng Egypt, na tinatayang may 14 hanggang 15 milyong miyembro, ay isang maliit na minorya lamang – 10 porsiyento – ng Egyptians, pinahahalagan ng mga ito ang maraming biblikal na tradisyon, kabilang ang pagtakas sa Egypt ng Holy Family matapos isilang si Jesus sa Bethlehem, upang makaligtas mula kay Haring Herodes.

Ang 21 Egyptian na pinugutan ng IS ay kapwa nila Arabo. Sibilyan ang mga ito, hindi mga sundalo na nabihag sa digmaan. Ni hindi sila mga Westerner. Kristiyano lamang sila, at iyon ang waring dahilan ng pamumugot sa kanila. Ang video ng pamumugot ay tumutukoy sa dalawang babaeng Egyptian na ikinasal sa Coptic priests, na ang pagsasalin sa Islam ay nagpasiklab ng isang mapait na pagtatalo sa sekta sa Egypt noong 2010.

Bago ang mga Egyptian, pinugutan ng IS ang isang Israeli-American journalist, isang British humanitarian aid worker, isang French mountaineering guide, isang Japanese military contractor, at isang Japanese journalist. Pinugutan din ng IS ang mga sundalong Syrian, Lebanese, at Kurdish na kanilang nabihag sa digmaan pati na rin ang mga foreign deserter mula sa IS ranks.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kinondena nina United States President Barack Obama at British Prime Minister David Cameron ang pamumugot at nangakong tutugisin ang mga salarin. Hiniling din ni Obama sa US Congress ang kapangyarihang magpadala ng ground troops bilang karagdagan sa air strikes laban sa IS fighters na nasa Syria at Iraq ngayon.

Sa pagsisimula ng mga Kristiyano ngayon – Ash Wednesday – ng pagdiriwang ng panahon ng Kuwaresma – Ang Egyptian Coptic Christians ang laman ng ating isip at mga dalangin. Sawimpalad silang naging biktima ng pagmamalupit, ang salot sa ating panahon, ngunit hindi dapat malambungan ng karimlan bunga ng kanilang kamatayan ang ating pag-asang makamtan ang kapayapaan sa rehiyong iyon at sa iba pang bahagi ng daigdig.