Apat na grupo, na kumakatawan sa mga lokal at dayuhang kumpanya ang kuwalipikado sa bidding para sa 10-taong kontrata sa operasyon at pagmamantine ng Light Rail Transit (LRT) Line 2.

Ayon sa Department of Transportation and Communications (DoTC), ang apat na kuwalipikadong kumpanya ay ang tambalang DMCI at Tokyo Metro Co., Ltd.; Aboitiz Equity Ventures-Singapore Mass Rapid Transit Transport Solutions Consortium; LRM2 Consortium; at San Miguel Corp.-Korail Consortium.

Ang LRM2 Consortium ay binubuo ng Light Rail Manila Holdings 2, Inc.;RATP Development S.A. at RATP Dev Transdev Asia.

“Nakapasa ang lahat ng apat ng interesadong grupo sa prequalification stage at maaari na silang sumabak sa actual bidding na posibleng maganap sa third quarter ng 2015,” ayon kay DoTC Spokesman Atty. Michael Sagcal.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Kapag naipagkaloob na ang kontrata, ang concessionaire na mananalo sa bidding ang magmamantine sa depot, sa electrical at mechanical system, sa rolling stock, sa lahat ng pasilidad sa mga istasyon, sa riles ng tren at sa iba pang kagamitan ng LRT 2 sa loob ng 10-15 taon.

Ang naturang concessionaire ang siya ring magmamantine at bibili ng mga capital spare, magsasagawa ng rehabilitasyon sa apat na tren, magmamantine at mag-a-update sa asset register ng LRT 2 system.

Una nang nasungkit ng DM Consunji, Inc. (DMCI) ang kontrata sa konstruksiyon ng 3.9-kilometrong LRT 2 extension mula Santolan, Pasig hanggang Masinag, Antipolo matapos itong maghain ng P2.27-bilyon na bid para sa imprastruktura na nagkakahalaga ng P2.4 bilyon.

Bukod sa konstruksiyon ng elevated guideway ng LRT 2, magtatayo rin ang DMCI ng dalawang bagong istasyon ng tren sa tapat ng Robinson’s Place Metro East sa Cainta (Emerald Station), at Masinag Station sa Masinag Junction.

Target ng DMCI na makumpleto ang konstruksiyon ng mga pasilidad sa loob ng 18 buwan simula sa pagpapalabas ng notice to proceed.

Pinakabago sa tatlong elevated mass transit system, bumibiyahe ang LRT 2 mula Recto Avenue sa Manila hanggang Santolan sa Pasig City na may kakayahang magsakay ng hanggang 470,000 pasahero kada araw subalit halos 200,000 ang karaniwang sumasakay simula nang buksan ang operasyon nito noong 2003.