NEW YORK — Isang hacking ring ang nagnakaw ng $1 bilyon mula sa mga bangko sa buong mundo sa isa sa pinakamalaking breaches na natuklasan, sinabi ng isang cybersecurity firm sa ulat na inilabas noong Lunes.
Naging aktibo ang mga hacker simula noong 2013 at napasok ang mahigit 100 bangko sa 30 bansa, ayon sa Russian security company na Kaspersky Lab.
Matapos magkaroon ng access sa computers ng bangko sa pamamagitan ng phishing schemes at iba pang paraan, naghihintay sila ng ilang buwan upang matutuhan ang sistema ng bangko, kumukuha ng screen shots at video ng mga empleado gamit ang kanilang mga computer, ayon sa kumpanya.
Kapag naging pamilyar na ang mga hacker sa operasyon ng bangko, gagamitin nila ang kaalamang ito sa pagnanakaw ng pera nang hindi napagdududahan, pagprograma sa ATM para maglabas ng mga pera sa tumpak na oras o pagkakaroon ng mga pekeng accounts at paglilipat ng pera rito, ayon sa Kaspersky. Karamihan sa mga target ay nasa Russia, US, Germany, China at Ukraine, ngunit lumalawak na ngayon ang mga atake sa Asia, Middle East, Africa at Europe, ayon sa Kaspersky.